Wednesday, April 20, 2011

Anu-ano ang trip n’yong gawin ng mga kalaro mo sa perang papel noon?

Salapi. Kwarta. Datung. Pera. Sabi nila, ito raw ang ugat ng lahat ng kasamaan sa mundo. Dito sa Pilipinas, maraming naghahangad ng pera pero mas marami ang wala. Hindi rin maikakailang bumababa na ang halaga ng salapi ng ating bansa. ‘Yung mabibili mo ngayon sa halagang beinte pesos, mabibili mo ng napakarami gamit ang limang piso noon. At kung dati ay malaking bagay na ang limang pisong papel, ngayon ay barya na lang kung ituring ang beinte pesos.



Pero kung tutuusin, swerte na ring maituturing ‘to dahil ngayon, ang dami nang libangan d’yan tulad ng online games at kung anu-ano pa. Dati kasi, kailangan talagang dumugo ang utak ng mga bata para lang makapag-isip ng mga gawaing tinatawag na pamatay inip. Kahit ang walang kamalay-malay at nananahimik na bagay sa isang tabi ay nagagawang laruan at ang simpleng kagamitan ay nagkakaroon ng kakaibang pakinabang.

Isa nga sa mga biktima nating mga kabataan noon ay ang perang papel. Oo, hindi lang ginagasta ang pera noon. Napag-uusapan na rin lang ang mga pamatay inip, bukod sa paggasta, anu-ano pang kalokohan ang madalas n’yong ginagawa ng mga kalaro mo noon sa pera? Sa amin, narito ang ilan:
  • Medyo nauso noon ang paghahanap ng mga kakaibang bagay na nakatago sa larawan sa likod ng pera. Sino nga ba ang hindi naloko, nagpaloko, at nabaliw sa kakahanap ng pusa sa simbahan ng Barasoainsa sampung piso, sa sikyu ng Bangko Sentral sa isandaang piso, sa unggoy na may hawak na pera sa singkwenta pesos, sa higanteng kamay ng unano sa limang pisong papel, at sa kung anu-ano pang pwedeng ipahanap na panay kalokohan lang naman talaga? Hahangaan kita kung makikita mo pa ang mga Igorot na nagsasayaw sa Banaue Rice Terraces sa isanlibong piso. Pero huwag mo nang hanapin dahil binibiro lang naman kita.
  • Pinagana nating mga bata ang ating angking talento sa pagtupi ng perang papel upang makabuo ng kakaibang bagay tulad ng eroplano, bangka, bibig na puppet (na parang kahawig ng bunganga ni Kermit The Frog), damit, parisukat, bituin, double star na kahawig ng armas ng mga ninja na hindi ko alam kung ano ang partikular na tawag, at kung anu-ano pa. Mas malutong ang pera, mas mainam! Minsan napag-titripan pa ng kalaro ko na perang papel na naka-hugis bangka ang ibayad sa tindahan. Kanya-kanyang trip.
  • Alam ba ninyo ‘yung embedded security threads ng mga perang papel natin? Ito ‘yung parang isang pirasong hibla ng sako na patayong nakalagay sa harapan ng pera. Pinagdidiskitahan naming alisin ‘yung“sako” na ‘yun gamit ang aming mga kamay. ‘Yung pinsan kong adik ang nagpauso ng kalokohang ‘to, hanga naman kaming lahat nang malaman naming may sako pala sa loob ng pera kaya ang resulta, panay punit ‘yung itaas na bahagi ng mga perang papel. ‘Yun nga lang, hindi na namin naulit ‘yun kasi pinagagalitan kami.
  • Naniniwala ba kayo sa “kapangyarihan ng mga salita”? Kami, oo. Pero mas naniniwala kami sa “kapangyarihan ng pagtupi upang makita ang kakaibang salita”. Ganito kasi ‘yun: Ipapahanap mo sa kalaro mo ‘yung nakasulat sa pera na “Ang salaping ito ay bayag ko” at ‘yung “Bili ka ng Pilip” (Phillips, ewan ko kung brand ba ng yosi, bumbilya o ng sausage ‘yung Pilip na ‘yun). Kung tititigan mo lang ‘yung pera maghapon ay hindi mo talaga mababasa ‘yang mga salitang ‘yan. Kailangan mo munang tiklop-tiklupin ‘yan hanggang sa ma-“unlock” ‘yang mga pangungusap na“Ang salaping ito ay bayag ko” na galing sa “Ang salaping ito ay bayarin ng Bangko Sentral at pananagutan ng Republika ng Pilipinas” at ‘yung “Blika ng Pilip” (Bili ka ng Phillip) na galing naman sa “Republika ng Pilipinas”. Sa oras na mahanap na ang mga pangungusap na ‘yan, pwede mong biruin ang kalaro mo at sabihing “Ay, mukhang pera pala ‘yung bayag mo? Yak!”o kaya naman “Sige, bumili ka na sa tindahan. Ba-bye!”. O, ‘di ba hanep sa trip, parang mga siraulo lang.
  • Alam n’yo ‘yung show ni Michael V noon sa GMA 7 na Bitoy’s World? Sa isang episode kasi ay may “experiment” si Bitoy at nagtanong s’ya kung paano pagkakabitin ang dalawang paper clip na hindi ginagamitan ng mga kamay. Ang sagot ay sa pamamagitan ng perang papel. Ititiklop mo muna ‘yung pera tapos ikakabit mo ‘yung paper clip sa taas. Kapag nakakabit na ay tsaka mo hihilahin ang magkabilang dulo ng pera. Tatalsik ngayon ang dalawang paper clip na nakakabit na! Magic ‘no? Pasens’ya na pero dahil sa sobrang tagal nito ay nakalimutan ko na ‘yung tamang posisyon ng paper clip pati ‘yung tamang pagkakatiklop ng pera. Kaya bale hindi lang ang perang papel ang bida sa kabulastugang ‘to, co-stars sila ni paper clip.
  • Sa eskwela naman noong elementary ako at noong mga unang taon ko ng high school eh nauso rin ‘yung sugal sa pera. Ito ‘yung may kinalaman sa serial numbers na nakalagay doon. Gusto kong sabihing ito ‘yung cara y cruz na tinatawag pero sa totoo lang, hindi ako sigurado dahil wala akong ka-ide-idea sa iba’t ibang uri ng sugal. Basta ‘yung nilalaro ng mga kaklase ko noon eh ‘yung parang pataasan sila ng serial number sa pera. Wala akong interes sa mga sugal kaya’y pasens’ya na kung hindi masyadong maganda ang paliwanag ko tungkol dito.
  • Sa eskwelahan pa rin, minsan kapag bored kami habang nagle-lecture ang aming guro ay magdo-drowing kami sa notebook namin ng kung anu-ano. Minsan pa nga ginagaya namin ‘yung pirma ng presidente sa pera, pati na ‘yung tagapangasiwa ng Bangko Sentral. Meron kaming scratch notebook ng kaklase ko na puro pirma lang naman ang laman. Walang kwenta ang gawaing ito at hindi rin ganoon ka-involved ang pera kaya hindi ko na itutuloy ang kwento tungkol dito.
Sobrang dami pa ng magagawa natin noon sa perang papel at ang mga nabanggit ay ilan lang sa madalas naming pinagtitripan. Kung buhay pa ang ating mga bayani doon, malamang babatukan nila tayong mga kabataan dahil kung anu-anong kabulastugan ang ginagawa natin sa pera. At ngayong bago na ang disenyo ng pera natin, wala sanang gumamit at bumaboy nito, na pakiramdam ko naman ay wala na dahil hindi naman kinakailangang magbayad ng limandaang piso sa paglalaro ng “CityVille”, hindi rin kinakailangang itapal ang pagmumukha ni Quezon sa harap ng mga ibon sa “Angry Birds”, at lalong hindi kailangang magbayad ng perang may drowing ng sumasayaw na Igorotsa Banaue Rice Terraces kapag “bumili ng Pilip”<*bow!*>

Tuesday, April 12, 2011

Naki-“Go! Go! Power Rangers!” ka rin ba noong mid 90s?

Ilang beses ko nang nakikita sa dash ito. Panahon na siguro para ikuwento ko ang sarili kong karanasan ng pagiging “Power Ranger Addict” noong bata pa ako (naks).

Dekada nobenta. Panahon ng aking kamusmusan. Ang dekada kung saan limitado lang sa iilan ang nasa isip hindi lang ng aking sarili kundi pati na ang mga katulad kong mga kabataan noong panahong ‘yun: Kain, nood TV, laro, nood TV, laro, nood TV ulit. At itong huling dalawa ang madalas naming gawin ng mga kalaro at pinsan ko tuwing hapon. Ilang beses kaming nagsisi-akyatan sa sira-sira at nilulumot na pader ng kapitbahay, magaya lang ang nangyaring eksena sa napanood naming Maskman. Sama-sama rin kaming nakasalampak sa sahig at nakahilera sa harap ng telebisyon, tutok na tutok sa pinapanood na Jetman dahil inaabangan namin ang Yellow Owl at malusog na si Raita dahil tinutukso namin ito sa maganda naming pinsan. At s’yempre, tigil muna sa paglalaro ng Super Mario sa Family Computer kapag oras nang magpasiklab ang magkakapatid sa Fiveman.

Limang tauhan. Limang magpipinsan. Ganyan ang buhay namin noon na umiikot sa tatlong palabas na ito. At ganyan ang dekada nobenta. Akala namin, tapos na ang lahat pagkatapos ng Maskman, Jetman at Fiveman. Sumapit ang taong 1995. Isang Biyernes ng gabi, sa ABS CBN na kilala noon sa tawag na Sarimanok Network. Limang tauhan muli ang nagpakitang gilas, suot ang kanilang mga makukulay na costume na para bang hawig din sa mga nakasanayan naming panooring programa na may salitang “man” sa huli. Dito namin natuklasan ang Power Rangers. Mighty Morphin Power Rangers ang eksaktong pamagat ng programang ito tuwing Biyernes ng gabi sa ABS CBN. Ito ang isa sa mga paboritong palabas ng mga kabataan noong hindi pa sinasakop ng kadramahang walang hanggan ang primetime block.

Ang orihinal na Power Rangers ay kinabibilangan nina Jason Lee Scott (Red Ranger) na may arsenal na Tyrannosaurus, Zack Taylor (Black Ranger) bilang Mastodon, Billy Cranston (Blue Ranger) bilang Triceratops, Kimberly Hart (Pnk Ranger) bilang Pterodactyl, Trini Kwan (Yellow Ranger) bilang Saber-Toothed Tiger, at Tommy Oliver (Green Ranger/White Ranger) bilang Dragonzord/Tigerzord. Kasama rin ang mga villains na sina Rita Repulsa, Lord Zedd at ang walang kamatayang alagad ni Rita Repulsa na Putty Patrollers (walang kinalaman sa TV Patrol at oo, korni ang hirit kong ito). At syempre, kabilang din ang mga dakilang kakampi ng Power Rangers na mala-hologram effect na si Zordon at ang assistant nitong robot at cute na cute na si Alpha 5 (sa pagkakaalam ko eh ito ‘yung punggok na robot na laging may “ayayayayay!” sa bawat umpisa ng dialogue).

Katulad ng Maskman, Fiveman at Jetman, pati na rin sa Ninja Turtles, kanya-kanya rin kaming portrayal sa Power Rangers. S’yempre, ako si Blue Ranger (na bagay naman dahil kainitan noon ng Power Rangers nang mag-umpisa akong magsuot ng salamin sa mata), ang Red Ranger namin ay ‘yung pinakamatanda kong pinsan, ang Black Ranger namin ay ‘yung pinsan kong utal-utal at sunog na ang balat kakapalipad ng saranggola tuwing hapon sa may open field na malapit sa likod ng kanilang bahay, ‘yung pinakamaganda kong pinsan ang Pink Ranger (na lagi naming pinag-aawayan ni utal-utal na pinsan kung sino sa amin ang crush n’ya), at ‘yung pinakabatang pinsan namin na babae (na may asawa’t dalawang anak na ngayon) ay si Yellow Ranger. Dahil anim ang Power Rangers, sinalimpusa na namin ang utol ko kahit noong mga panahong ‘yun eh wala naman talaga s’yang naiintindihan sa pinaggagawa at pinapanood n’ya sa telebisyon. S’ya naman si Green Ranger. Ilang beses ko nang kinukuwento ang mga pinsan kong ito dito sa aking blog kaya’t kung matagal mo nang sinusundan ang blog ko eh malamang nakukulitan ka na sa akin. Wala akong pakialam sa ‘yo. ‘De biro lang.

Bukod kay utol at sa aming magpipinsan, patok din ang Power Rangers sa eskwela noon. Merong tindahan ng mga laruan sa Divisoria ang kabarkada ko at nagbebenta sila ng Power Rangers merchandise tulad ng mga laruan, coloring books, at ang mabenta sa klase namin noon na sticker album na may design na Power Rangers sa harapan. Merong isang sticker album na ang nasa cover ay si Red Ranger. Ayon sa kabarkada ko, meron s’yang natuklasang hindi kanais-nais na tanawin sa cover na ‘yun. S’yempre dahil kami ay mga chismosong wagas, tinanong namin kung ano ang ‘di kanais nais na ‘yun. Tinuro n’ya sa amin ang costume o suit ni Red Ranger at kapansin-pansing nakaumbok ang “Sesame Street” nito! Hanga naman kami sa kabarkada ko dahil ngayon lang kami nakakita ng ganon sa isang wholesome na Power Ranger. Bakit nakaumbok ang “Sesame Street” ni Red Ranger? Nagkaroon kaming magbabarkada ng konklusyon kung bakit. Sa palagay namin eh nakita ni Red Ranger si Pink Ranger na nakahubo’t hubad (maganda kasi si Kimberly, crush ko ito dati pati ng mga pinsan ko. Meron pa kaming poster ng Power Rangers na kasama sa promo dati ng Dunkin Donuts at hinahalik-halikan namin kunyari si Pink Ranger dito. Libre lang namang pagpantasyahan ang isang poster, kanya-kanyang trip ‘yan) kaya ayun, nanigas daw ang “Sesame Street” ni Red Ranger! Ang galing talaga naming gumawa ng kuwento. (Nga pala, kung hindi mo alam kung ano ang “Sesame Street” na tinutukoy ko, marapat lamang na basahin mo ang link na ito.)

Napag-uusapan na rin lang ang kapatid ko, dati eh tuwang tuwa kami sa kanya kapag oras na ng Power rangers. Utal-utal kasi n’yang ginagaya ang sigaw nila. ‘Yun bang sigaw na “Mastodon!” ay nagiging “Mastadang!”, ang Triceratops ay nagiging “Cry-seni-taps”, ang Pterodactyl ay nagiging “Terenaxen”, ang Saber-Toothed Tiger ay nagiging “Seven To Tiger”, ang Tyrannosaurus ay “Dry-ni-sor” at ang Dragonzord ay “Titanus, Stenosaurus, Denopasaurus, Asdfghjkl, Qwertypop” (mga salitang tanging s’ya lang ang nakakaalam at hindi na namin inusisa pa kung ano ‘yun). Minsan naman, kapag natatakot pumunta sa isang madilim na lugar si utol (alam naman natin ang bata, takot sa dilim dahil may moomooo daw) ay pinapakanta namin s’ya ng theme song ng Power Rangers para maging matapang s’ya. Ayun, sa awa naman ng kaabnormalan eh nawawala ang takot n’ya sa dilim.

Pero isa na yata sa pinaka-abnormal na gawain namin ni utol ay sa mga oras na meron kaming isang bagay na hinahanap. Theme song namin ang “Go go Power Rangers” sa mga pagkakataong nagkakaroon kami ng problema, halimbawa sa mga piraso ng Lego na nawawala. Kapag hindi namin makita ang isang piraso ng Lego, magtutulungan kaming hanapin ang nawawalang ito habang umaawit — oo, umaawit ng “Go go Power Rangeeers, tenenenenenen!” paulit-ulit lang ‘yan hanggang sa makita namin ang nawawalang piraso ng Lego o ng isang bagay na ‘di namin makita-kita. Walang katiyakan ang bisa ng awit na “Go Go Power Rangers tenenenen” pero ewan ko ba, nagsisilbi sigurong cheer ek-ek o chant oink oink sa aming magkapatid ‘yun, para bang motivation para mas pagbutihin pa namin ang paghahanap sa nawawalang bagay. At sa awa ulit ng kaabnormalan eh mabilis naming nakikita ang bagay na ito kapag nagsimula na kaming umawit.

Marami pang naging version ang Power Rangers noon. Nar’yan ang Power Rangers Sub Zero, Power Rangers Zero, Power Rangers Mystic Force, Power Rangers Jungle Fury, Power Rangers Zeo, Power Rangers Chuk-Chak-Chenes at iba pa, pero iba pa rin ang naging impact sa aming mga kabataan ng original na Mighty Morphin Power Rangers. At kahit na matagal nang walang Power Rangers (‘yung original) sa telebisyon, mananatili pa rin silang buhay sa aming isip, nagpapaalalang minsan kami ay naging musmos at nakipaglaro sa iba’t ibang hamon ng buhay kabataan.

“It’s morphin’ time!”
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...