Sunday, February 20, 2011

Isa ka bang “monster” na kumakain ng “train” noong bata?

“Ayan na ang monster! Kakainin na niya ‘yung train! Choo-chooooo!” (sabay bukas ng bibig)…

Isa lang ito sa mga pamilyar na linya sa tuwing susubuan ng isang nanay o mas nakatatanda ang isang bata. Sa tagpong ito ay pursigido ang matanda na isubo ang pagkain na nasa kutsara sa bibig ng nag-iinarteng bata. Bakit nga kaya hirap pakainin ang isang bata? Sabi nga sa isang patalastas, hirap pakainin si baby dahil ang daming kaagaw sa atensiyon. Siguro nga totoo ‘yun. Kaya naman kung anu-ano ang naiisip na gimik para lang mapakain ang bata. Dinamay pa ang nananahimik na train at natutulog na monster maisubo lang ni baby ang pagkain.

Isa na ako sa mga hirap pakainin noong bata. Mabagal akong kumain noon lalo na kapag ang ulam ay karne. Hindi ko manguyang mabuti kaya kadalasan ay iniluluwa ko ito sa gilid ng plato na para bang nagluwa lang ng chewing gum na walang tamis. Minsan akong napagalitan ng tibo kong tita noon dahil nakita niyang panay luwa ako pagkain sa gilid ng pinggan. Huwag daw akong umarte sa pagkain. Magmula noon, takot na ako kapag si tita obit ang nagsusubo sa akin ng pagkain.

Maarte rin ako sa pagkain noong bata. Kung karne ang ulam ay gusto kong nakapira-piraso ang mga ito sa gilid ng kanin para isang sandok lang sa ulam, shoot na agad sa bibig. Minsan naman ay gusto ko pang gumamit ng plastik na pambatang pinggan. ‘Yun bang pinggan na may magkakahiwalay na lagayan ng kanin, ulam at sawsawan. Kapag hindi ko gamit ang ganitong pinggan, hindi ako ginaganahan sa pagkain. Minsan rin ay gusto kong may hawak na laruan habang nasa hapag-kainan. Ewan ko kung ano ang koneksyon ng mga laruan sa pagkain ko. Hindi pa rin naman ako ginaganahan sa pagkain.

Dahil rin sa kakulitan ko at pagiging pasaway sa pagkain ay nagkakaroon ng aksidente. Naaalala ko noong minsang susubuan ako dapat ng tita kong isa ng pagkain ay umiwas ako at biglang sumandal sa upuan. Ang problema, wala nga palang sandalan ang kinauupuan ko kaya ayun, tumama ang ulo ko sa sahig, nagkabukol. Syempre, umatungal ako na parang katapusan na ng mundo.

Isa na siguro sa mabisang paraan na naisip ng tita ko (siya kasi ang madalas magsubo ng pagkain sa akin noong bata pa lang ako. Spoiled kasi ako dun.) ay ito ngang “monster” at “train” technique. Bagamat imbis na train ay LRT ang ginagamit niya dahil alam niyang paborito ko ang LRT noong bata. Effective nga siya. Naisusubo ko naman ng maayos ang pagkain at magmula noon ay natuto na akong kumain ng maayos, maglinis ng pinagkainan at ngumuya ng karne.

Saturday, February 12, 2011

Naaalala mo pa ba ang sinaunang TV Guide sa mga diyaryo?



Noong kasagsagan ng dekada nobenta, hindi pa nauuso ang pagpapakabit ng cable TV sa Pilipinas kaya naman kakaunti lang ang may nakakaalam ng channels na tulad ng HBO, MTV, Cartoon Network at iba pa. Kung gusto mong manood ng pelikula o kaya naman eh makinig ng music, kailangan mo pang mag-renta ng VHS tape o kaya bumili ng cassette tape. Kuntento na ang mga tao sa anim na pihit ng channels: 2, 4, 5, 7, 9, at 13, ‘di tulad ngayon na halos may palabas na ang lahat ng channel magmula 2 hanggang 99 (kung may cable kayo). Masaya kung nakakapanood tayo nang malinaw sa mga local channels na tulad ng ABS CBN 2, PTV 4, ABC 5, GMA 7, RPN 9, at IBC 13. Pero swerte nang maituturing kung nakakasagap ng UHF channels na tulad ng SBN 21, RJTV 29 at Citynet 31 ang TV n’yo kahit magulo ang reception dahil ang mga kadalasang pinapalabas dito ay ‘yung mga programa sa cable, mga foreign shows at kung anu-ano pa.

Bukod sa cable TV, hindi pa rin nauuso noon ang internet kaya naman kung may gusto kang panoorin na programa o kung gusto mong malaman kung anong oras ito nagsisimula, isa lang ang maaari mong basahin: Ang mga diyaryo o newspapers. Nakalagay kasi dito ang TV Guide o ‘yung gabay para sa lahat ng programa sa TV sa partikular na araw. Sa malalaking diyaryo o broadsheets karaniwang nababasa ang TV Guide.

Makikita sa larawan ang sinaunang TV Guide sa diyaryo na sinasabi ko. Kung mapapansin n’yo, may mga numero sa loob ng parentheses. Ito ‘yung channels ng programa. Halimbawa, ang palabas ng ABS CBN (2) tuwing 7:00 ng umaga ay Rosary Crusade, sa GMA (7) naman ay Jesus The Healer, and so on and so forth oink oink. Mapapansin rin na may oras na nakalagay sa bawat set ng channels. Ito ang kaibahan ng mga oras ng programa noon sa mga programa ngayon. Kung ano kasi ang nakalagay na oras sa TV Guide eh ‘yun mismo ang oras ng programa, walang labis at walang kulang. Hindi tulad ngayon na tambak ng commercial ang mga programa kaya naman ‘yung palabas na dapat magsisimula ng 7:30 ay nagiging 8:15, at ‘yung programang trenta minutos lang dapat ang airtime ay nagiging isang oras at kalahati. Isa nang halimbawa d’yan ngayon ay ‘yung TV Patrol ng ABS CBN at Eat Bulaga ng GMA 7. Noon, kasya na lahat ng mga importanteng balita sa TV Patrol sa loob ng kalahating oras. Sa panig naman ng Eat Bulaga, nagsisimula sila dati ng alas dose ng tanghali at nagtatapos ng 1:30 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes at 2:30 naman kung Sabado. Tapos napansin ko rin minsan na dati eh alas tres impunto ng hapon pinapalabas ‘yung 3 O’Clock Habit sa ABS CBN at RPN 9. Ngayong mga panahong ‘to napapanood ko pa ang 3 O’Clock Habit ng 3:30 ng hapon. Kaya kung may gusto kang panoorin na programa ngayon sa mga channels na ‘yan eh kailangan mong tumutok maigi dahil baka alas tres na ng umaga eh hindi pa nagsisimula ‘yun!

Laki ako sa mga lola ko kaya naman alam kong araw-araw ay meron silang rasyon sa bahay nila ng Manila Bulletin at tuwing Martes naman ay may rasyon sila ng Liwayway Magazine at ang paborito kong Funny Komiks naman kung Biyernes. Hindi ako mahilig magbasa ng diyaryo noon. Sa katunayan, mas pinag-iinteresan ko pang basahin ang mga nobela at kuwento sa Liwayway kesa magbasa ng balita sa diyaryo. Pero meron akong dalawang pahina na binubuklat sa diyaryo: Ang comics page (na sa totoo lang eh ‘yung Pupung comic strip lang talaga ang binabasa ko), at ‘yung TV Guide. Hindi ko alam kung bakit, alam ko naman na ‘yung line-up ng mga programa noon sa TV pero lagi ko pa ring binabasa ‘yung TV Guide. Ewan ko ba, siguro pakiramdam ko eh anumang oras ay mag-iiba ang line-up ng mga programa sa TV. Buti na lang hindi ko pa naranasang mapanood ang TV Patrol ng alas kwatro ng umaga at ang Eat Bulaga ng alas kwatro ng hapon!

Balik tayo sa larawan. Sa totoo lang, nakaka-miss din ‘yung ganitong klase ng line-up ng mga programa sa TV. Dahil araw ng Sabado ‘yung TV Guide na nasa larawan, madalas ay mga cartoons ang palabas sa lahat ng channel tuwing umaga tulad ng Noah’s Ark, Flying House, Whimpols, at ‘yung lagi kong pinapanood sa GMA 7 na Disney Adventures starring Mickey Mouse and friends pati ‘yung Teenage Mutant Ninja Turtles (na umaga rin pala ipinalabas bukod sa sa tuwing Biyernes ng gabi)! Pagpatak naman ng tanghali at hapon, nariyan na ang mga noontime shows na gaya ng Eat Bulaga, SST (Salo-Salo Together), at Chibugan Na, at ang iba naman ay kuntento na sa Battle Of The Brains, Agri-Link, Ugnayan sa EDSA at iba pang programang hindi ko na alam kung tungkol saan pero sa palagay ko’y mas pipiliin mo pang mag-siyesta kesa panoorin ang mga ‘to. And’yan rin ‘yung labanan ng drama anthology na Coney Reyes On Camera at ng talk show ni Nap Guttierez na Movie Magazine, pati ‘yung UAAP Games sa RPN 9. At meron na palang NBA Action noon sa GMA 7, hanep! Naalala ko rin ‘yung Game Na Game Na!, isang game show sa ABS CBN hosted by Ogie Alcasid at Roderick Paulate. Pagpatak ng Sabado nights, hindi mawawala ‘yung movie marathon sa mga programa tulad ng Our Favorite Movies, Saturday Blockbusters, FPJ Sa GMA, Saturday Night Playhouse, Star Blockbusters, at kung anu-ano pa, at ‘yung mga sitcom at gag shows tulad ng Oki Doki Doc, Tropang Trumpo at iba pa. Siyempre bago ka matulog eh manonood ka muna ng maaksiyong All-Star Wrestling, makikitawa sa Martin Nievera After Dark, makiki-balita sa Saturday World Tonight at makiki-join sa pag-explore ng urban life sa Citiline. Tapos pipikit ka na lang eh meron pang programa para sa ikabubuti ng iyong kaluluwa tulad ng The 700 Club at Jesus Miracle Crusade. Haaay… Sarap manood ng TV!

Sa ngayon, halos wala na ring pumapansin sa TV Guide ng mga pahayagan. Meron na kasing internet. At ang malala pa, wala na rin halos nanonood ng TV lalo na sa local channels dahil marami nang pwedeng alternatibo, maaari mo na lang i-download ang ilang pelikula at panoorin ang na-miss mong episode via YouTube at iba pang video sharing websites. Bagamat lipas na ang pagbabasa ng TV Guide sa mga diyaryo, hindi maitatangging mas masarap at mas “hassle-free” na manood ng TV noon kesa ngayon, kahit na karamihan sa mga paborito kong programa ngayon eh sa cable pinapalabas, tulad ng NBA, mga pelikula sa Star Movies at Cinema One, mga soundtrippings oink oink sa MYX, at Tom & Jerry, Mr. Bean at Spongebob Squarepants! <*tutututut-tutut-turut!*>

Tuesday, February 1, 2011

Palabunutan: Swerte ka ba dito o malas?

Isa ang Palabunutan sa mga paboritong atraksyon sa mga perya, sa tabi ng mga pampublikong paaralan o kaya kapag may kapistahan sa lugar n’yo. Sa murang halaga kasi ay magkakaroon ka na ng tyansang makapag-uwi ng ilang mga bagay na hindi mo mabibili sa isang normal na tindahan.

Para sa akin, may mga klase ng palabunutan/raffle. Isa na dito ‘yung bubunot ka ng kapirasong papel at kapag ibinabad sa tubig ay makikita ang hugis o numero na nag-uugnay sa premyo. Isa pang klase ay ‘yung colored game kung saan ihahagis mo ang pisong kalabaw mo sa tapat ng napili mong kulay at hihilahin ang tali para mahulog ang mga dice na nag-uugnay din sa premyo. Meron namang palabunutan na nakalagay sa isang banig. Pipitas ka na lamang ng mga nakabilot na papel sa isang banig na yari sa karton na nag-uugnay din sa mga premyo. At meron ding palabunutan, “tusok style”, kung saan tutusukin mo lang ang mga butas na may takip na papel gamit ang iyong daliri upang makuha ang kaukulang premyo sa loob ng butas na ito.

Ano ang kadalasang makukuha sa mga palabunutang tulad nito? Marami. Mga living things na tulad ng umang, dagang costa, itik, at syempre, ang walang kamatayang sisiw na mukhang rainbow dahil sa iba’t ibang kulay ng mga balahibo nito. Meron ding mga non-living things na tulad ng pekeng (at minsan ay kinakalawang pa) singsing at hikaw, mga plastik na laruan na tulad ng tau-tauhan, water game, water pistol, mga kuwintas na may pendant na hugis puso na yari sa chalk, plastik na bracelet, at ‘yung kuwintas na may berdeng Crucifix na gustung-gusto kong makuha dati dahil lahat ng mga kalaro ko ay may kwintas with Crucifix na suot.

Ang pinaka-paborito kong palabunutan sa lahat ay ‘yung “tusok style”. Lagi kaming tumatambay sa labas ng eskwelahan namin ng kaibigan ko pagkatapos ng klase para sayangin ang piso namin sa mga tindahan ng palabunutan na ito.

Pero meron akong natuklasan sa palabunutan. Nang minsan kasing malas ako sa palabunutan at halos nakaka-beinte pesos na ako at wala pa rin akong nakukuhang premyo, in-offeran ako ni Manong Tindero na bilhin ang isa sa limang piraso ng papel na nakatago sa bulsa n’ya dahil lahat daw ‘yun ay may premyo. Ako naman itong nauto at bumili ng isa sa limang papel na ‘yun at hindi nga ako nabigo! May nakuha akong premyo! Ano ito? Isang tumataginting na plastik na bracelet na kulay green. Potek. Ipinagpalit ko ang baon ko sa isang bracelet. Magaling.

Hindi ko sigurado kung gawain ng mga tindero ng palabunutan ang magtago ng papel na may premyo. Maaaring monkey business nila o sadya lang silang tuso pagdating sa ganitong uri ng kalakalan (teka, parang pareho lang ata ‘yun), ang mahalaga ay kumikita sila kahit paano.

Ikaw? Swerte ka ba o malas sa mga palabunutan?
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...