Friday, November 23, 2012

Natuklasan mo din ba ang siyensiya sa Sineskwela?




Tuwang tuwa ako kapag alas dose ng tanghali ang pasok ko noong nasa elementarya ako. Ang dami ko kasing nagagawa sa umaga. Ang lungkot naman kasi kung pang-umaga ang klase mo. Pagmulat ng mata mo, bangon agad, ligo, breakfast, bihis, at diretso na sa eskwela. Wala nang oras para maglibang muna at mag-charge ng enerhiya na kailangan sa buong araw sa eskwelahan.

Samantalang kapag pang-hapon ako, nakakapunta pa ako sa bahay ng lola ko, nakakapagbasa pa ako ng Liwayway Gawgaw at Funny Komiks, nakakapagdrowing pa ako ng nobelang komiks ko, at siyempre, nakakapanood pa ako ng telebisyon, partikular na ang mga kilalang morning shows sa ABS CBN noong dekada nobenta tulad ng Tagalized cartoons, “Bananas In Pyjamas”“ATBP (Awit, Titik, at Bilang na Pambata)”, at iba’t ibang educational shows (Minsan pati ‘yung programang “Gym Team” eh napapanood ko. Ito ‘yung exercise show dati sa channel 2 tuwing alas-siyete ng umaga). Ilan lang ‘yan sa napakaraming perks sa pagiging pang-hapon ang pasok sa eskwela.

Isinilang sa telebisyon ang mga programang “Batibot”“Sesame Street”, at “ATBP” upang magkaroon ng pagkakataon na matuto ang mga bata kahit nasa bahay lang sila. Kaso, puro A-B-C, 1-2-3, at pagbabasa lang ang tinuturo sa mga programang ‘yan bukod pa sa mga kagandahang asal. Kumbaga sa eskwelahan mismo eh para bang English at Filipino lang ang subject na pinag-aaralan ng mga bata habang nanonood ng mga ganyang programa.

Ito marahil ang dahilan kung bakit noong kalagitnaan ng dekada nobenta ay naisipan ng ABS CBNDepartment of Science & Technology (DOST) at Department of Education (DepEd) na bumuo ng isang educational program na tumatalakay sa paksang malaki ang papel sa buhay ng bawat isa sa atin, ang agham at teknolohiya o science and technology. Simple lang ang layunin ng programa: Ang mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na mag-aral kahit nakatutok sa telebisyon. Dahil sa paglalaru-laro ng mga salita, pinagsama ang panonood sa cinema o ang ‘sine’ at ang lugar na pinupuntahan ng mga estudyante, ang ‘eskwela’, at dito nabuo ang titulo ng programa – Sineskwela. Mabuhay!

Sa aking opinyon, ang logo ng Sineskwela na yata ang isa sa may pinaka-creative na logo ng isang programa. Mantakin mo, sino ba naman ang magkaka-ideya na gawing letra ang iba’t ibang mga kagamitan sa paligid? Dahil sa napaka-imaginative ng mga tao sa likod ng Sineskwela, nagawa nilang maging letter S ang rolyo ng film, letter I ang kulay pulang crayon (lapis sa lumang version ng logo), letter E ang isang machine gear, isa pang letter S ang font na parang sa calculator, letter W ang isang kidlat o boltahe, isa pang letter E ang character na mala-Pac Man (hindi ‘yung boksingero, you know), letter L ang isang L-shaped ruler, at letter A ang isang maliit na telebisyon.

Sineskwela hosts before...

Ang simpleng mga paksa sa larangan ng siyensiya ay lalo pang naging mas masaya nang bumuo ang Sineskwela ng mga tauhan o characters na makakahatak sa mga batang manonood. Dito isinilang si Frederico Gonzales na gumanap bilang si Bok na akala namin ngayon eh si John Lloyd Cruz dahil magkahawig sila, si <*hindi ko alam kung sino*> bilang si Ugatpuno, ang punongkahoy na mukhang bakla, si Sheena Ramos bilang si Palikpik, si Maan Munsayac bilang si Kulitsap, si Brenan Espartinez na singer na ngayon bilang si Agatom, at si Tintin Bersola na mabuting maybahay na ni Julius Babao ngayon at gumanap bilang si Anatom. Meron pa nga silang chant noon, ‘yun bang sisigaw sila ng “Siyensiya! Siyensiya! Tuklasin ang hiwaga sa siyensiya!!!” (with matching pa-korteng S ng mga kamay tulad ng nasa larawan). At hindi ba’t may theme song pa ang grupong ‘yan?
“Narito na kami, Bok ang ngalan ko! Ugatpuno ako. Anatom, Agatom, makulit-Kulitsap,Palikpik naman ako!” (hindi ko na alam ang kasunod)
...Sineskwela hosts after! Asteeg! :D

Ang mga tauhang ito ay may kanya-kanyang fields of expertise ika nga. Si Ugatpuno ay eksperto pagdating sa kabaklaan. Joke lang. Eksperto siya sa mga usapang pang-kapaligiran. Si Palikpik naman ay may kinalaman sa mga nilalang sa dagat. Reyna naman ng mga insekto at kulisap si Kulitsap na para bang korteng Iced Gem Biscuit ang ulo. Pinaka-cool sina Agatom at Anatom dahil sila lamang ang tanging nakakapasok sa loob ng kung anu-anong mga bagay at nilalang tulad ng katawan ng tao, mga hayop, halaman, at iba pa. Basta’t may nakita kang pink at green na parang Christmas light na kumukutitap, sila na ‘yun at nag-uumpisa na ang kanilang paglalakbay bilang mga dambuhalang atoms na may masisikip na costume.

Naitanong ninyo siguro kung saan eksperto si Bok? Wala lang, siya kasi ang leader ng team na taga-utos sa kung sino ang mapag-tripan niya. Sa madaling salita, nagpapalaki lang siya ng itlog. Sarap yata’ng maging leader, hindi ba?

Madami pang cast ang Sineskwela bukod sa mga nabanggit ko. Meron pa silang Teacher Waki na hindi ko na maalala kung sino. Pero sa lahat ng naging cast nito, pinaka-popular na yatang ‘adult’ sa Sineskwela ay si Jon Santos. Kasama ni Jon Santos sina Winnie CorderoGiselle Sanchez, at Panjee Gonzales (ng “Game Na Game Na!”). Sila ‘yung first batch ng mga nagsisilbing ‘teachers’ na nagtuturo sa “Sineskwela Kids”  sa bawat episode ng programa.

Pagdating naman sa “Sineskwela Kids”, hindi ko na matandaan ‘yung first batch nila. Ayon sa mga nabasa ko sa internet, sina Antoinette TausCamille PratsPatrick Garcia at Paula Peralejo daw ang nasa first batch. Ewan ko lang kung sila nga ‘yun.

Hindi ko makakalimutan ang programang ito dahil napanood ko ‘yung first episode nito (ganito yata ako, unforgettable para sa akin ang mga programang napapanood ko ang unang episode). Natatandaan ko, ang unang topic nila noon ay tungkol sa five senses. Sense of touch, sense of taste, sense of hearing, sense of smell, sense of sight. Hindi kasama ang sense of belonging at ang nonsense, okay? (korning hirit)

Pero sa dami ng kanilang naging episodes, dalawa lamang ang pinaka-paborito ko. Una ay ‘yung nagpunta sila sa pagawaan ng Crayola. Pangalawa naman ay ‘yung pinakita nila kung paano ginagawa ang donuts sa Mister Donut. Pagkatapos kong panoorin ‘yung paggawa ng donuts, nagpagawa ako sa kasambahay namin dati ng home made donuts. Kaso, nakalimutan niyang lagyan ng pampaalsa ‘yung donuts n’ya. Nagmukhang biskwit tuloy ‘yung donuts. Bwichet na ‘yan!

Sa bawat pagtatapos naman ng lessons at episodes nila, asahan mong may kantahan portion ‘yan. Madalas nilang ginagawang kanta ‘yung mga tinuturo nila. Halimbawa, tungkol sa human body parts ang topic sa araw na ‘yon, kakanta sila sa dulo ng “Sampung mga daliri, kamay at paa…” (at bakit ako nagpaliwanag?). At si Jon Santos lagi ang singer nila. ‘Yung ibang cast eh chumuchu-wariwariwap lang. Siya nga pala, tunay na lalake pa si Jon Santos noong Sineskwela days, bagamat napapansin naming may kaunting pagkulot na ang kanyang boses noon.

Kung merong unforgettable episode, siyempre meron din akong unforgettable song ni Jon Santos. Tungkol kasi sa ‘water cycle’ ang lesson of the day. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon eh natatandaan ko pa ‘yung tono nito. Basta’t ganito lang ‘yung lyrics: Lahat ng term na may kinalaman sa ‘water cycle’ na nagtatapos sa ‘-ion’ eh iniisa-isa ni Jon Santos – evaporation, condensation, precipitation, infiltration, sedimentation, sublimation, transpiration, flocculation, coagulation, carnation (biro lang), at iba pa. Paulit-ulit lang ‘yon. Wala lang, naalala ko lang naman. (Dami ko talagang naaalala ‘no? Pasensiya naman. Sharp memory kuno eh. Galit ka?)

Pinapanood din ng nakababata kong kapatid ang Sineskwela noon kahit hindi pa siya nag-aaral. Lalo kaming natutuwa kapag nakikisabay kami sa theme song. Naaalala ko, vinediohan pa kami ni inay noon habang kumakanta ng Sineskwela theme song with matching action pa! Nakatago pa dito ‘yung VHS tape namin ng moment na ‘yon. Noong panahong ‘yon eh makapal pa ang mukha kong kumanta sa harap ng madaming tao. Mantakin n’yo, may solo number pa ako noon ng Sineskwela theme song sa isang pagtitipon ng nanay ko! Aliw na aliw din kami sa solo number ng kapatid ko dahil utal-utal ‘yung lyrics: “…sa science o agal… …Kaya’t habang maaga, mag-aral ng pasens’ya, sa tekyoyoya ang buhay ay gagan-daaa… HAAAAAH!!!” (Pasigaw talaga, nakakatawa! Sayang at hindi na namin mapanood ‘yung VHS tape na ‘yon. Huhuhu. Memories. Memories…)

Ibang klase ang impact ng show na ito hindi lang sa akin kundi pati na sa lahat ng mga kabataan noong dekada nobenta. Ayon pa sa isang pagsusuri, nakatulong ang programa upang mas maintindihan ng mga kabataan ang mga bagay na hindi nila masyadong maintindihan patungkol sa science. Kaya naman rekumendado itong panoorin sa mga eskwelahan lalo na sa public schools. At noong taong 2003, ginawaran ng Youth Prize sa 20th Television Science Programme Festival na ginanap sa France ang “Pasig River Episode” ng Sineskwela. Educational na, award winner pa. Sangkapah?!

Bilang pangwakas, inirerekumenda kong pakinggan n’yo sa link na ito ang theme song ng programang nakatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman ng mga bata sa agham at teknolohiya – ang Sineskwela! (Naglagay na din ako ng lyrics kaya’t maki-sing along na!)
“Bawat bata may tanong. Ba’t ganito, ba’t ganoon? Hayaang buksan ang isipan sa science o agham… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!
 Bawat bata may tanong. Ba’t ganito, ba’t ganoon? Halina’t lumipad sa daigdig ng isipan… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!
 Kaya’t habang maaga, mag-aral ng siyensiya. Sa teknolohiya ang buhay ay gaganda… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!” 

Friday, October 5, 2012

Nangawit ba ang pisngi mo sa kakaihip ng plastic balloon?


Sa mata ng batang paslit, ang plastic balloon ay isang malagkit at mabangong elemento na nakalagay sa maliit na tube. Pinipisil-pisil ang tube na ito hanggang sa pumulandit ang kakarampot na kung ano, at inilalagay sa dulo ng isang maliit na stick na may butas. Hihipan hanggang sa lumaki at lumobo. At kapag malaki na, susundin ang walang kamatayang dialogue ni Madam Shalani na “putukan na!”. Pero saan nga ba gawa ang plastic balloon na kinahuhumalingan hindi lang ng mga bata kundi pati mga isip bata, bakla o tomboy, may ngipin o wala?


Siyempre, hindi maaaring mawala sa istoryang ito ang aking dalubhasang pananaliksik (na naman) sa mahiwagang mundo ng Wikipedia. At ayon sa natuklasan ko, ang malagkit na elemento ng plastic balloon ay nagtataglay ng polyvinyl acetate na tinunaw sa acetone na nilagyan ng plastic fortifier. Sa pag-ihip nito ay natutunaw ang acetone na nagiging sanhi ng paglaki o paglobo ng plastic balloon. (Ang galing kong mag-eksplika, ‘no? Palakpakan naman diyan! Pero ano sa Tagalog ang polyvinyl acetate, acetone, at plastic fortifier? ‘Yan ang susunod kong sasaliksikin. Joke lang.)

Sabi nila, malaki ang tiyansa na mamaga ang pisngi ng mga adik sa pag-ihip ng plastic balloon, lalo na kung itotodo mo ang pag-ihip na parang katapusan na ng mundo. Maaari din daw magka-beke o mumps ang sinumang masobrahan sa pag-ihip nito. Hindi ko lang alam kung totoo ‘yon. Nang magka-beke naman kasi ako noong bata eh hindi dahil sa kakaihip ng plastic balloon. Ang alam ko lang, nag-almusal lang ako ng lugaw at Sprite noon at pagkatapos eh ayun, nagka-beke na ako. Hanep na lugaw ‘yon!

Pero lang’ya, wala ‘yan sa panakot sa akin ng nanay ko noon. Kapag daw masyadong todo-ihip ka sa plastic balloon (o sa kahit anong bagay basta’t masyado kang naglabas ng matinding effort sa pag-ihip) eh maaaring lumaki o lumobo din ang titi naming mga lalake (Diretsuhin na natin tutal pare-pareho naman nating alam na bahagi ng katawan ang titi at pekpek, maliwanag ba?). Kaya’t simula nga noon eh hindi na ako bigay-todo kung umihip ng plastic balloon para lang mapalaki ito. Sapat nang maliit ang aking lobo, wala namang sabit ‘to. (Parang bastos yata ang dating noon. O baka ako lang ang bastos?)

May kanya-kanya namang techniques sa pag-ihip ng plastic balloon. Kung gusto mo ng maganda at pulido o smooth na lobo, sipsipin o lawayan muna ang malagkit na elemento bago hipan. Kinakailangan ay pantay din ang pagkakalapat ng malagkit na ito sa dulo ng maliit na stick bago hipan. Kung sa tantiya mo ay pulido at medyo korteng bilog na ang pagkakalapat, umawit na ng “Happy Birthday” dahil isang matinding ihipan ang mangyayari!

Malas nga lang minsan at nakakahiya (lalo na kung katabi mo ‘yung crush mo) dahil sa sobrang pag-ihip mo eh sumasama sa loob ng lobo ‘yung laway mo. Naalala ko tuloy ‘yung pinsan ko noon. Laging may kaakibat na laway sa loob ng plastic balloon niya kaya hindi namin hinahawakan ‘yung lobo niya. Kadiri to death eh!

Paminsan-minsan naman eh nagkakaroon kami ng paligsahan na palakihan sa pagpapalobo ng plastic balloon. Dahil sobrang nipis lang ng plastic balloon, ang highlight ng larong ‘yan eh kapag nabutas na ito at unahan naman kami sa pagputok nito sa noo o kaya sa ulo. *pok!* Naglalaro din kami ng saluhan ng plastic balloon at putukan din sa noo ang parusa sa sinumang hindi makasalo. ‘Yung kapatid ko ang laging kawawa dahil semi-kalbo siya noong bata kaya napagkakatuwaan naming pagputukan ng plastic balloon sa ulo!

Pero hindi pa diyan nagtatapos ang buhay ng pumutok na plastic balloon. May ilang bata noon na ginagawang chewing gum ang pumutok na lobo, tulad ko! Siguro dahil sa sobrang bango ng amoy nito eh nakaka-engganyo tuloy kainin, tutal wala naman sigurong kung anong delikadong kemikal na nakalagay sa plastic balloon at safe itong ilagay sa bibig. Nai-imagine ko tuloy na parang nagmi-miryenda ng rugby ang sinumang ngumata ng pumutok na plastic balloon.

Meron ding technique kapag nagkaroon ng butas ang iniingat-ingatan mong plastic balloon. Maaaring takpan ang butas sa pamamagitan ng pagkagat-kagat gamit ang labi (hindi kasama ang ngipin dahil lalong mabubutas ‘yon) sa parteng may butas. Pero minsan, kahit walang butas eh napagtitripan pa din ang kawawang lobo. Ginagawa naming bukol-bukol noon ang plastic balloon. Magagawa din ito sa pamamagitan ng pagkagat-kagat sa lobo sa paraang tulad ng nabanggit ko. (Meron sanang maka-gets ng mga kagat-kagat na pinagsasabi ko ngayon, hindi ko kasi ma-eksplikang mabuti. Basta, ‘yun na ‘yon. Kahit paano siguro eh naiintindihan ninyo ang ibig kong sabihin. Liban na lang kung hindi ka pa nakakaranas umihip ng plastic balloon. Kawawang bata. Biro lang.)

At dahil nga sa sobrang nipis ng plastic balloon, naisip ko tuloy na marahil sadyang ginawang manipis ‘yon para patuloy na bumili nang bumili ang mga batang paslit. Tutal sa tingin ko eh hindi naman yata lalagpas sa piso-isa ang presyo nito (noon). Wala akong idea kung may nabibili pa bang plastic balloon sa mga tindahan o kung meron pa nito ngayon sa merkado. Pero wala na akong makita nito sa mga tindahan dito sa lugar namin. Maaari kayang nagkaroon ng pagsusuri na delikado ang plastic balloon sa bibig ng mga bata kaya ipinagbawal na itong ibenta?

Ang labis na ipinagtataka ko lang eh kung anong mahiwagang elemento ang nasa plastic balloon at bakit sobrang bango ng amoy nito na para bang isang ubod ng sarap na pagkain ang tingin ng karamihan sa mga naglalaro at umiihip nito. May teorya akong ginagamit din ang plastic balloon bilang isa sa mga pampasarap sa mga pagkaing pambata noong unang panahon. (Pero siyempre biro lang ‘yang huling pangungusap. Pero kung totoo man ‘yang teorya ‘kuno’ ko, isa lang ang masasabi ko: Isang malaking YIKES!)

Thursday, August 30, 2012

Na-“hook” ka rin ba sa Meteor Garden noon?



Isang ordinaryong araw ng bakasyon noon ng taong 2003. Pinapalipas namin ng kapatid ko ang mainit na hapon na ‘yon sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon. Lipat dito, lipat doon, lipat kahit saang channel. Makalipas ang ilang oras, bigla na lamang namin naalala na ngayong araw pala na ‘yon ang simula ng isang drama series sa ABS CBN na nagmula pa sa Taiwan, ang Meteor Garden. Aba, bago ‘yon ah! Noong mga panahon kasing ‘yon, puro mexicanovelas at walang kamatayang teleseryes ang naghahari sa telebisyon ng bawat Pilipino. Kaya maituturing na nagpabago ng TV viewing habit ng mga Pinoy ang “Taiwanovela” na ito (may ganito bang salita?).

Sabi ko pa sa sarili ko, mukhang bagong pauso na naman ito ng ABS CBN, at malamang hindi magpapatalo ang GMA 7. Kaya makalipas ang ilang linggo, pinalabas naman sa Kapuso Network ang “My MVP Valentine” na kinatatampukan naman ng Asian group na 5566. Pero wala silang kinalaman sa kuwento ko.

“Masilip nga ang programang ito nang makita ko kung ano ang itsura ng ganitong klaseng drama series,” ang sabi ko sa sarili ko. Pero anak ng bulalakaw, makalipas ang isang linggo ay nakita na lamang namin ni utol ang mga sarili namin na aliw na aliw at sumusubaybay sa bawat episode ng programang ‘yan! Marahil tama nga yata ‘yung teaser ng ABS CBN na “mahu-hooked ka sa Meteor Garden. Ayun at kami ni utol ang na-hooked sa mga Taiwanese na ‘yan. Hanep!

Nagsimula bilang isang Japanese manga series na “Boys Over Flowers” na sinulat ni Yoko Kamio ang Meteor Garden na dinub sa wikang Filipino at sinimulang ipalabas sa ABS CBN noong May 5, 2003. Umiikot ang istorya nito sa isang dalagang estudyante na salat sa kahirapan ng buhay na si Shan Cai (Barbie Xu). Kabilang din sa cast siyempre pa, ang F4 o Flower Four na tinaguriang “Mga Hari ng Ying De University” na pinangungunahan nina Dao Ming Si (Jerry Yan), Hua Ze Lei (Vic Chou), Xi Men (Ken Chu), at Mei Zuo (Vanness Wu). Alam kong kilala mo ‘yang mga ‘yan kaya hindi ko na kailangan pang ipaliwanag kung sinu-sino sila. Unless, hindi ka nakapanood noon ng Meteor Garden.

Sino dito sa inyo ang katulad namin na na-“hooked” at sumubaybay sa pakikipagsapalaran ni Shan Cai at ng F4? Aaminin ko, wala akong pinalampas na episode noon ng Meteor Garden. Magmula sa part one hanggang sa part two, pati na rin ‘yung special episode nila na “Meteor Rain” kung saan tinalakay doon ang life story ng F4 maliban kay Hua Ze Lei, maski ‘yung bloopers nila na parang engot lang dahil pati ‘yun eh isinalin ng ABS CBN sa wikang Filipino, lahat ‘yan napanood ko. Hindi halatang Meteor Garden fanatic ako, ‘di ba? Pero sa totoo lang, hindi talaga ako ganoon ka-fanatic. 50-50, ika nga. (50-50 nga ba?)

Noon pa man ay mahilig na akong mag-drawing o mag-sketch ng iba’t ibang klase ng mga logo ng isang programa o produkto. Kaya naman ilang beses kong ini-sketch at nile-lettering sa notebook ko ang sulat-intsik (o kung ano man ang tawag sa ganyang sulat) na ‘yan ng Meteor Garden kahit sa simula pa lang ay hindi ko alam kung ano ang totoong ibig sabihin niyan. Hanep na ‘yan, para lang akong nag-aaral mag-mandarin dahil puro sulat-intsik ‘yung likod na bahagi ng notebook ko!

Sa dinami-dami naman ng mga tauhan sa programang ito, isang karakter lang ang tumatak sa isip (at puso) ko, at ito ay ang bidang babae na si Shan Cai. Grabe, gandang ganda ako sa babaeng ‘yan kahit na lampayatot, at kahit sa teaser pa lang eh naging crush ko na siya. Na-crush at first sight nga yata ako sa kanya. Ang puti-puti niya. Ang haba ng buhok niya. Ang bibilog ng mga mata niya. Ang tangos ng ilong niya. Ang tamis ng mga ngiti niya. Ang kinis ng kutis niya (oo nahawakan ko na siya eh. K). In short, perpekto siyang babae.

Pero dahil 2003 na noon at medyo mulat na ako sa kung anu-anong “kamunduhan”, iba ang pumapasok sa utak ko. Minsan ay nasasabi ko na lang sa sarili ko, “Ang ganda talaga ni Shan Cai! Ano kaya ang amoy ng puke niya?” (Didiretsuhin ko na tutal pare-pareho naman nating alam na bahagi ng katawan ang puke. Maliwanag ba?) Pero dahil wala pang kamuwang-muwang sa mga ganoong bagay ang utol ko noon, iniiba ko ang ilang salita. Minsan ay tinatawag ko siya para sabihing Meteor Garden na! Nood na tayo ng ek-eks ni Shan Cai!”. (Iniba ko pa ‘yung salita pero parang ganoon din eh ‘no?)

Kasabay naman ang popularidad ng Asianovela na ito ay ang pagkakaroon din ng interes ng mga tao sa mga awitin ng boyband na F4. Kung matatandaan, naging ganap na grupo ng mang-aawit ang mga singkit na ‘yan kasabay ng paglaganap ng Meteor Garden phenomena sa buong mundo. Kahit hindi ninyo aminin ay alam kong minsan kayong napasabay sa pag-awit ng ilan sa mga pinakasikat nilang kanta tulad ng mga sumusunod:
  • Can’t Lose You (“Oh baby baby baby, my baby baby, wo jue bo neng shi chi ni…”)
  • Season Of Fireworks (“Qian ni de shou qu gan jue yan huo zui mi ren de ji jie…”)
  • Meteor Rain (“Pei ni qu kan liu xing yu luo zai zhe di qiu shang…”)
  • Sarili nilang version ng “Can’t Help Fallin’ (In Love)”
  • Meteor Garden Theme Song na “Qing Fei De Yi” (“Zhi pa wo zi ji hui ai shang ni, bu gan rang zi ji kao de tai jin…”) na inawit ni Harlem Yu
  • Mga pinasikat na awitin ng kani-kanilang solo career gaya ng “I Truly Love You” ni Jerry Yan“Make A Wish” ni Vic Chou“Here We Are” ni Ken Chu,“Looking For Juliet” ni Vanness Wu, at “Tingeul-Tingeul” ng U-Kiss. ‘De, biro lang.
Kung hindi ka naging tagasubaybay ng Meteor Garden at ng F4 eh magmumukhang alien ka lang sa kababasa ng mga linyang ‘yan, sinasabi ko sa ‘yo.

Madalas ay nire-reuqest pa ang mga kantang ‘yan sa mga radyo noon lalo na sa WRR 101.9 (For Liiife!). Nagpabili naman sa nanay ko ng cassette tape ng F4 ang kapatid ko, bagamat mas naging tipo niya ang nabili n’ya sa bangketa kinalaunan na pirated CD na naglalaman ng lahat ng mga sikat na kanta ng F4. Dahil usong uso ito noon, wala kang maririnig sa buong bahay namin kundi mga kantang masarap sabayan pero hindi alam kung ano ang ibig sabihin. Taiwaninang 'yan!

Dahil na rin sa sobrang pagkahumaling namin ng kapatid ko sa Meteor Garden noon, meron kaming kanya-kanyang inaabangan na character, siyempre bukod pa doon sa puke ni Shan Cai. Aliw na aliw kami sa pagmumukha ni Vanness Wu noon. Para kasi s’yang bading sa paningin namin. Ang ganda ng buhok, mukha pang ngiti na tinubuan ng mukha, ang puti-puti at ang sabi-sabi pa ng ilan eh inaahit daw o wina-wax ng F4 ang mga kili-kili nila. Ewan ko lang kung totoo ‘yon. Pero kung totoo man, isa lang ang masasabi ko — kayo na ang may makinis na kili-kili!

At dahil na rin sa ligayang dinulot sa amin ng Vanness Wu na ‘yan, minsan kong napagtripan na isulat sa likod ng aking lumang notebook ang ilan sa memorable lines ni Mei Zuo (Vanness Wu) sa Meteor Garden. Narito ang ilan sa mga sinulat ko:
  • Nag-joke si Mei Zuo habang nakangisi: “Ano ito?… Nagpu-push up na gagamba sa ibabaw ng salamin.”
  • Nagwika ng matalinhaga si Mei Zuo“Masyadong tahimik ‘yang si Lei, ‘no? Pero agresibo din pala siya pagdating sa pag-ibig.”
  • Masayang nagsalita si Mei Zuo“Si Shan Cai nawawala!” na parang nanggugulat at nakangisi pa.
  • Nang magbati-bati ang F4 matapos magkatampuhan, nagsalita si Mei Zuo“Buo na ulit ang F4… Tara na, may klase pa tayo.” serious mode pero nakangisi naman.
  • Naglalasing sina Mei ZuoXi Men, at Hua Ze Lei sa bahay ni Dao Ming Si. Biglang dumating si Dao Ming Si. Sabi sa kanya ni Mei Zuo“Oh baby baby baby baby baby… Hey, Asi! Come on!” at siyempre nakangisi ulit.
Marami-rami pa akong naisulat na sabaw moments ni Mei Zuo pero hindi ko na ilalagay pa lahat dahil bukod sa walang makaka-relate at wala namang kuwenta eh 100% sabaw goodness lang talaga ang mga ‘yon. Pero kapansin-pansin na ang “killer smile” ni Vanness Wu ang kanyang naging puhunan upang sumikat sa Meteor Garden at sa kanyang career.

Meron naman akong nabasa sa isang libro (joke book) na tungkol sa mga senyales na ikaw ay isang die hard Meteor Garden fan. Hindi ko na matandaan lahat ‘yon sa sobrang dami (mga 30+ yata) pero ikukuwento ko ‘yung iba (at walang makaka-relate dito panigurado):
  • Binagsak ka ng prof mo nang minsang magsiga-sigaan ka na ala-Dao Ming Si sa harapan niya matapos niyang maapakan nang ‘di sinasadya ang sapatos mo.
  • Napapadalas ang pagse-senti mo sa rooftop na parang si Hua Ze Lei.
  • Pilit mong pinapagaya sa nanay mo ang cute na hairstyle ng nanay ni Shan Cai.
  • Ang encyclopedia ninyo na dati ay inaalikabok sa estante, ngayon ay nakatupi sa mga pahina na tungkol sa Taiwan o sa Asia.
  • Nagpapabitin ka nang patiwarik kapag malapit ka nang maiyak para umurong ang luha, tulad ng style ni Hua Ze Lei.
  • Umaga pa lang ay nakatutok ka na sa telebisyon (partikular na sa “Alas Singko Y Medya”, isang lumang morning show ng ABS CBN) dahil baka meron kang ma-miss na update tungkol sa Meteor Garden at sa F4.
  • Bigla mo na lang kinainisan sina Paolo Bediones at Miriam Quiambao!
  • Lagi kang gumagamit ng chopsticks at mangkok sa pagkain.
  • Naglalagay ka ng red tag o kaya naman eh love letter sa locker room ng crush mo.
  • Namakyaw ka ng mga paputok sa Bulacan at sinindihan ito pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi para “mapansin ka ng mga anghel sa langit”.
  • Higit sa lahat (at ang pinaka-korni sa lahat), frustrated ka dahil kailanman eh hinding hindi magkakaroon ng meteor sa hardin ninyo!
Bagamat ilang beses pang naulit ang pagpapalabas ng Meteor Garden sa mga sumunod na taon, nagkaroon pa ng Anime series nito na “Hana Yori Dango”, at nalipat pa ng ibang istasyon (GMA 7 at QTV 11), hindi ko na ulit pinanood pa ito noon pagkatapos ng part two sa ABS CBN. Ewan ko lang, sadya sigurong wala talaga ang puso ko sa mga ganitong uri ng palabas. Tama na nga siguro ‘yung hindi ako bumitiw magmula sa umpisa hanggang sa huling kabanata ng kuwento, at hindi na dumating sa puntong naging ultraelectromagnetic die hard fan ako ng F4 at nanoood ng kanilang concert nang minsang magtungo sila dito sa Pilipinas.

Ngunit ano’t ano pa man, sadyang nakakaaliw ang programang ito. Pasalamat tayo (lalo na ang mga K-Pop fanatic) sa ABS CBN dahil kumbaga ay sila ang nagsimula ng “bandwagon” na ito. Siguro kung hindi nila pinalabas ang Meteor Garden eh malamang iilan lang sa atin ang may alam sa mga programang tulad ng “City Hunter”, “My Girlfriend Is A Gumiho”, “Moon Embracing The Sun”, at kung anu-ano pang teledramas at singkitseryes na pinagbibidahan ng mga singkit nating kapatid sa Asya.

At aminin mo, minsan ay pinilit mong gayahin ang walang kamatayang hairstyle at fashion ng F4. Putaragis na ‘yan, hindi ko magawa sa buhok ko ‘yung fly-away hairstyle ni Hua Ze Lei, hinahangin lang at nagiging parang nakuryente ang dating ng buhok ko! Buti pa sa tatay ko umubra nang hindi sinasadya eh. Bwisit talagang suklay ‘yan!


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...