Sa mata ng batang paslit, ang plastic balloon ay isang malagkit at mabangong elemento na nakalagay sa maliit na tube. Pinipisil-pisil ang tube na ito hanggang sa pumulandit ang kakarampot na kung ano, at inilalagay sa dulo ng isang maliit na stick na may butas. Hihipan hanggang sa lumaki at lumobo. At kapag malaki na, susundin ang walang kamatayang dialogue ni Madam Shalani na “putukan na!”. Pero saan nga ba gawa ang plastic balloon na kinahuhumalingan hindi lang ng mga bata kundi pati mga isip bata, bakla o tomboy, may ngipin o wala?
Siyempre, hindi maaaring mawala sa istoryang ito ang aking dalubhasang pananaliksik (na naman) sa mahiwagang mundo ng Wikipedia. At ayon sa natuklasan ko, ang malagkit na elemento ng plastic balloon ay nagtataglay ng polyvinyl acetate na tinunaw sa acetone na nilagyan ng plastic fortifier. Sa pag-ihip nito ay natutunaw ang acetone na nagiging sanhi ng paglaki o paglobo ng plastic balloon. (Ang galing kong mag-eksplika, ‘no? Palakpakan naman diyan! Pero ano sa Tagalog ang polyvinyl acetate, acetone, at plastic fortifier? ‘Yan ang susunod kong sasaliksikin. Joke lang.)
Sabi nila, malaki ang tiyansa na mamaga ang pisngi ng mga adik sa pag-ihip ng plastic balloon, lalo na kung itotodo mo ang pag-ihip na parang katapusan na ng mundo. Maaari din daw magka-beke o mumps ang sinumang masobrahan sa pag-ihip nito. Hindi ko lang alam kung totoo ‘yon. Nang magka-beke naman kasi ako noong bata eh hindi dahil sa kakaihip ng plastic balloon. Ang alam ko lang, nag-almusal lang ako ng lugaw at Sprite noon at pagkatapos eh ayun, nagka-beke na ako. Hanep na lugaw ‘yon!
Pero lang’ya, wala ‘yan sa panakot sa akin ng nanay ko noon. Kapag daw masyadong todo-ihip ka sa plastic balloon (o sa kahit anong bagay basta’t masyado kang naglabas ng matinding effort sa pag-ihip) eh maaaring lumaki o lumobo din ang titi naming mga lalake (Diretsuhin na natin tutal pare-pareho naman nating alam na bahagi ng katawan ang titi at pekpek, maliwanag ba?). Kaya’t simula nga noon eh hindi na ako bigay-todo kung umihip ng plastic balloon para lang mapalaki ito. Sapat nang maliit ang aking lobo, wala namang sabit ‘to. (Parang bastos yata ang dating noon. O baka ako lang ang bastos?)
May kanya-kanya namang techniques sa pag-ihip ng plastic balloon. Kung gusto mo ng maganda at pulido o smooth na lobo, sipsipin o lawayan muna ang malagkit na elemento bago hipan. Kinakailangan ay pantay din ang pagkakalapat ng malagkit na ito sa dulo ng maliit na stick bago hipan. Kung sa tantiya mo ay pulido at medyo korteng bilog na ang pagkakalapat, umawit na ng “Happy Birthday” dahil isang matinding ihipan ang mangyayari!
Malas nga lang minsan at nakakahiya (lalo na kung katabi mo ‘yung crush mo) dahil sa sobrang pag-ihip mo eh sumasama sa loob ng lobo ‘yung laway mo. Naalala ko tuloy ‘yung pinsan ko noon. Laging may kaakibat na laway sa loob ng plastic balloon niya kaya hindi namin hinahawakan ‘yung lobo niya. Kadiri to death eh!
Paminsan-minsan naman eh nagkakaroon kami ng paligsahan na palakihan sa pagpapalobo ng plastic balloon. Dahil sobrang nipis lang ng plastic balloon, ang highlight ng larong ‘yan eh kapag nabutas na ito at unahan naman kami sa pagputok nito sa noo o kaya sa ulo. *pok!* Naglalaro din kami ng saluhan ng plastic balloon at putukan din sa noo ang parusa sa sinumang hindi makasalo. ‘Yung kapatid ko ang laging kawawa dahil semi-kalbo siya noong bata kaya napagkakatuwaan naming pagputukan ng plastic balloon sa ulo!
Pero hindi pa diyan nagtatapos ang buhay ng pumutok na plastic balloon. May ilang bata noon na ginagawang chewing gum ang pumutok na lobo, tulad ko! Siguro dahil sa sobrang bango ng amoy nito eh nakaka-engganyo tuloy kainin, tutal wala naman sigurong kung anong delikadong kemikal na nakalagay sa plastic balloon at safe itong ilagay sa bibig. Nai-imagine ko tuloy na parang nagmi-miryenda ng rugby ang sinumang ngumata ng pumutok na plastic balloon.
Meron ding technique kapag nagkaroon ng butas ang iniingat-ingatan mong plastic balloon. Maaaring takpan ang butas sa pamamagitan ng pagkagat-kagat gamit ang labi (hindi kasama ang ngipin dahil lalong mabubutas ‘yon) sa parteng may butas. Pero minsan, kahit walang butas eh napagtitripan pa din ang kawawang lobo. Ginagawa naming bukol-bukol noon ang plastic balloon. Magagawa din ito sa pamamagitan ng pagkagat-kagat sa lobo sa paraang tulad ng nabanggit ko. (Meron sanang maka-gets ng mga kagat-kagat na pinagsasabi ko ngayon, hindi ko kasi ma-eksplikang mabuti. Basta, ‘yun na ‘yon. Kahit paano siguro eh naiintindihan ninyo ang ibig kong sabihin. Liban na lang kung hindi ka pa nakakaranas umihip ng plastic balloon. Kawawang bata. Biro lang.)
At dahil nga sa sobrang nipis ng plastic balloon, naisip ko tuloy na marahil sadyang ginawang manipis ‘yon para patuloy na bumili nang bumili ang mga batang paslit. Tutal sa tingin ko eh hindi naman yata lalagpas sa piso-isa ang presyo nito (noon). Wala akong idea kung may nabibili pa bang plastic balloon sa mga tindahan o kung meron pa nito ngayon sa merkado. Pero wala na akong makita nito sa mga tindahan dito sa lugar namin. Maaari kayang nagkaroon ng pagsusuri na delikado ang plastic balloon sa bibig ng mga bata kaya ipinagbawal na itong ibenta?
Ang labis na ipinagtataka ko lang eh kung anong mahiwagang elemento ang nasa plastic balloon at bakit sobrang bango ng amoy nito na para bang isang ubod ng sarap na pagkain ang tingin ng karamihan sa mga naglalaro at umiihip nito. May teorya akong ginagamit din ang plastic balloon bilang isa sa mga pampasarap sa mga pagkaing pambata noong unang panahon. (Pero siyempre biro lang ‘yang huling pangungusap. Pero kung totoo man ‘yang teorya ‘kuno’ ko, isa lang ang masasabi ko: Isang malaking YIKES!)