Lahat tayo ay nagdaan sa pagkabata. At kapag sinabing bata, isa lang ang maaaring unang pumasok sa isip natin: Laro. ‘Yan ang laging aktibidades ng mga bata. Ang kani-kanilang laruan ang laging kaagapay sa mundo ng paglalaro. Ang daming magagandang laruang pambata noon. Iba’t iba ang yari, kulay, laki at anyo. May gawa sa kahoy, sa plastik, sa bakal, sa kung anu-ano pang materyales. May laruang nagpapatalas ng kaalaman ng mga kabataan, meron namang pangkatuwaan lang. Meron pa nga, laruang ipinagbabawal dahil sa nakalalasong kemikal na nasa laruang ‘yun, ito madalas ‘yung mga laruang pinare-recall lalo na ‘yung mga made in China. Pero para sa akin, pinaka-kakaiba at pinakamasarap laruin ang clay. Isipin mo na lang kung anu-anong pigura ang magagawa mo gamit ang isang tumpok lang ng clay. Makakabuo ka na ng isang bagay gamit lamang ang “imaginaaation”, sabi nga ni Spongebob. Maaari ka pang makapag-lakbay sa ibang dimensyon nang hindi umaalis sa kinaroroonan mo gamit ang makukulay, malalambot at malalagkit na clay, basta’t pairalin lamang ang iyong angking pagkamalikhain. At kapansin-pansin na ang pinaka-common na nabubuong pigura sa clay ay ahas. Madali lang kasi, ipagulong-gulong lang ang clay sa isang patag na surface hanggang sa humaba ito ayon sa nais mo at voila! Meron ka nang ahas-ahasan na pwede mong ipang-ahas sa mga kalaro mong mukhang ahas.
Amoy pa lamang, mukhang masarap na! |
Kapag pinag-uusapan ang clay, unang papasok sa isip natin ang isang brand nito — ang Play-Doh. (S’yempre pangalawa na marahil ‘yung locally made na clay na mukhang baretang sabon na panlaba na madalas mabili sa palengke, pero walang kinalaman ang baretang ‘yan sa istorya ko) Ang Play-Doh ay isang popular na brand ng clay na nagmula pa sa bansang Amerika. Pero eto ang matindi: Alam n’yo bang ang Play-Doh ay unang nakilala bilang panlinis ng wolpeyper? (Okay, humingi ako ng tulong sa Google Translator para sa Tagalog ng wallpaper at ‘yan ang lumabas. Ewan ko na naman kung ito ba talaga ang Tagalog ng wallpaper o sadyang kalbo lang ang translator na ‘yun dahil mahilig magpatawa. Basta wallpaper, wolpeyper, display sa pader. Imposible namang wallpaper sa computer dahil hindi pa uso noon ‘yun. At ang dami kong sinabi.) Nagsimula lamang maging isang uri ng gamit pang-molde ang Play-Doh nang ibenta ito sa isang eskwelahan sa Cincinnati noong taong 1950. Napag-alamang maaaring gawing modelling compound ang panlinis na ‘to kaya naman noong taong 1956 ay itinatag ang Rainbow Crafts Company para gumawa at magbenta ng modelling clay na Play-Doh. At sa puntong ito ay pinapayuhan kitang bumisita na lang sa Wikipedia kung gusto mong magkaroon ng mas marami pang impormasyon tungkol sa pinagmulan at humble beginnings ek-ek ng Play-Doh dahil alam kong inaantok ka na kakabasa ng kuwento ko at isa pa, tinatamad na akong isulat pa ang buong detalye (oo, tinatamad pa ako sa lagay na ‘to).
Ano nga ba ang kaibahan ng Play-Doh sa normal na clay? Para sa akin, malaki ang pagkakaiba. Sa amoy pa lang, kita mo na agad ang diperensiya. At medyo matigas ang clay na nabibili sa bangketa kumpara sa Play-Doh. Kung may clay ka na katulad ng Play-Doh, mayaman ka. Kung de-bareta ang clay mo, mahirap ka pa sa daga. Pero s’yempre imbento ko lang ‘yon. Kaya kapag may proyekto sa eskwela na kinakailangan ng clay, ‘yung lokal na clay na mukhang bareta ang kadalasang binibili kasi sayang nga naman ang Play-Doh, ang mahal-mahal tapos gaganunin lang.
Masasabi kong “late-bloomer” kami ng utol ko (na Clay-Doh ang tawag sa Play-Dohnoon dahil bata pa) pagdating sa Play-Doh. Bihira lang kasi kaming makalaro nito noong bata. Lagi naming napapanood ang commercial nito sa mga Tagalized cartoons ng ABS CBN tuwing umaga at minsan tuwing weekends (kabilang sa patalastas na ‘to ‘yung popular na dialogue lagi sa dulo na “each sold seperately,”para bang pinapaalalahanan ang mga batang laging bumili ng pagkamahal-mahal na clay na ‘to). Gustung-gusto naming magkaroon nito noon pero hindi kami nakabili. Buti na lang eh nagkaroon ng Happy Meal nito ang McDo. Isang kulay ng Play-Dohplus isang laruan na pang-molde. Kaso walang kwenta rin dahil hindi ganoon kaganda ‘yung mga pang-molde ‘di tulad nung mga nasa commercial.
Napag-uusapan na rin lang ang clay, meron kaming isang practical joke ng kabarkada ko noon sa school at s’ya ang nakaisip. Bale maglalagay ka lang ng tubig sa loob ng clay na minolde na parang maliit na paso (o kung ano pa mang pigura basta siguraduhing malalagyan ng tubig) at s’yempre tatakpan din gamit mismo ang isang putol ng clay. Ibigay ito sa kaklse mong mahilig lumapirot at lumamas (hindi ako bastos) ng clay. Magugulat na lang s’ya sa oras na pinsil n’ya ang clay na ‘to dahil bigla na lang tutulo o titilamsik ang tubig. Presto! Nakapag-perform ka na ng walang kakwenta-kwentang practical joke sa kaaway mo. Pero kung gusto mo ‘yung mas hardcore, gawing ihi imbis na tubig ang ilagay. Maging listo ka nga lang dapat kasi hindi ka sigurado o baka mamaya ‘yung jino-joke mo eh alam din ang ganoong istilo at bigla n’yang pisilin sa harap ng mukha mo ‘yung clay, tulad ng nangyari sa isa kong kaklase.
Masarap isipin na may nakaimbento ng simple at makulay na laruan na ito. Ang taglay na bango ng Play-Doh ay mas nakapag-papaengganyo sa mga kabataang malilikot ang kaisipan at sa mga taong “mas” malilikot ang kaisipan. At sigurado akong meron dito sa inyong tulad ko na kapag nakakakita ng Play-Doh ay parang gusto kong kainin dahil ang bango at parang napakasarap kagatin. Pero ewan ko lang kung meron nang nakatikim ng Play-Doh dito noong bata! Lasang panlinis ba ng wolpeyper?