Tuesday, October 25, 2011

Naglalaro din ba kayo ng bolang gawa sa tulo ng mga kandila?


Ngayong nalalapit na naman ang Undas, marami na naman sa atin ang magpupunta ng sementeryo upang dalawin ang mga namayapa nating mahal sa buhay. Kasama na sa ating pagdalaw ang pagdadala ng mga bulaklak, panlinis ng nitso, at kung anu-ano pa, at s’yempre hindi mawawala ang kandilang ititirik natin dito.

"Ipunin ang tulo ng kandila..."
Naaalala mo ba noong bata ka pa, pilit kang isinasama ng nanay mo sa sementeryo para lang dumalaw sa namatay mong lolo/lola o ibang kamag-anak? At sa sobra nating pagkainip ay nagkaroon tayo ng ideyang ipunin ang bawat tulong pumapatak sa mga nakasinding kandila sa buong sementeryo upang gawin o imoldeng hugis bola. At ang bolang ito ang paglalaruan nating mga bata sa sementeryo bilang pampalipas oras. Minsan ay maaari ring ibenta ang mga tulo ng kandila at kung minsan naman ay ginagawa itong pangkintab ng sahig o floor wax.

"...para sa 'Great Balls of Fire'!!!"
Madalas kaming gumagawa ng bolang yari sa tulo ng kandila noong bata pa ako. Kasama ng mga pinsan ko sa side ng nanay ko, palagi kaming sumasama sa sementeryo dito sa lugar namin kung saan nakalibing ang tita ko. Kinukuha namin ang lahat ng tulo ng mga kandilang makikita namin sa buong sementeryo. Kahit pa ang kandilang nakatirik sa ibang puntod ay inaarbor din namin ang tulo. Makailang beses rin akong napaso ng mga tulo ng kandila dahil sa kagustuhang makagawa kaagad ng mas malaking bola kesa sa mga pinsan ko.

Napag-uusapan na rin lang ang Undas at ang paglalaro ng bolang yari sa tulo ng kandila, hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang isang pangyayari noong bata pa ako…

Undas kasi noon (malamang). As usual, nasa sementeryo kami. Kasama ng mga magulang at ibang kamag-anak ay dinalaw namin ang puntod ng yumao kong lolo (sa side ng tatay ko). At tulad ng pangkaraniwan, tambay-tambay lang kaming magkakamag-anak sa tabi ng puntod ng lolo ko at wala silang ginagawa kundi maghuntahan. Hindi ko kasama ang mga pinsan ko dahil noong panahong ‘yon eh wala pa sila sa mundong ibabaw (ako kasi ang pinakamatanda sa aming magpipinsan sa side ng tatay ko). Dahil dito, wala akong kalaro sa loob ng sementeryo. Awkward naman kung iistorbohin ko ang mga kaluluwa doon para lang makahanap ng makakalaro. Kaya ang ginawa ko, inipon ko na lang ‘yung mga tulo ng kandila para gawing bola, na natutunan ko sa mga pinsan ko sa side naman ng nanay ko.

Habang palaki na ng palaki ang bola ko (ang pangit pakinggan), naisip kong kuhanin ang tulo ng kandila na nasa gitna ng puntod ng lolo ko. Pagkakuha ko dito, minolde ko na ulit ‘yung bola ko. Habang minomolde ko ‘yung bola ko, nakatitig lang ako doon sa lapida ng lolo ko. Maya-maya pa, meron akong narinig na isang mahinang tinig ng lalake na parang umuungol — “Unnggh. Unnggh.” (huwag kang bastos). Putik! Takot na takot ako sa mga oras na ‘yon. At para bang biglang napaso ang kamay ko sa bolang hawak ko. Ewan ko ba kung ano ang narinig ko, marahil paramdam lang sa akin ‘yon ng lolo ko. Malapit kasi ako sa lolo kong ‘yon. Lagi n’ya akong sinasama sa maySangandaan noon sakay ng kotse n’yang kulay asul na walang aircon tuwing alas-syete ng umaga para lang panoorin namin ang pagdaan ng tren ng PNR. Lagi rin s’yang nagbabasa ng Funny Komiks tulad ko, at nakakatawa ang pagbigkas n’ya ng sound effect ng pagtawa na “hi-hi-hi” - “hay-hay-hay”. Pero magmula noon, hindi ko na yata nagawang maglaro pa ng bolang yari sa tulo ng kandila. Huhu!

Nang kami ay lumaki ng mga pinsan ko, hindi na kami nakakadalaw sa sementeryo dito sa amin. Bagkus, ang sementeryo sa may Palasan (isang lugar sa Valenzuela) ang madalas kong pinupuntahan kasama ng aking mga tito, tita, pamilya at mga kaibigan. Hindi na rin kami gumagawa sa ngayon ng mga bolang yari sa mga tulo ng kandila. Pero sa tuwing makakakita ako ng mga nakatirik na kandila, naaalala ko ang aking kamusmusan.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...