Monday, August 22, 2011

Anu-ano ang iba pang mga pagkain na naging parte ng ating pagkabata?

Kadalasang sinasabi ng matatanda, maswerte daw ang mga bata dahil kahit ano ay pwede nilang kainin. Kahit walang sustansiya, kain pa rin. Hindi sila magkakaroon ng kung anu-anong sakit sa pagkain ng chichiryang lasang asin sa sobrang alat at candy na halos langgamin ka na dahil sa sobrang tamis. Pinakamatindi na sigurong kalaban ng mga bata ay ‘yung sakit ng ngipin. Normal na ‘to, lalo na kapag kina-aadikan mo ang matatamis na pagkain. At normal rin na pakainin ang mga bata ng kung anu-ano habang maaga, kesa naman kung kailan uugud-ugod na ay tsaka pa kinailangang kumain ng chichirya at candy.


Napag-uusapan na rin lang ang mga pagkain, ilan sa mga hindi makakalimutang laman-tiyan para sa mga bata noon ay Iced Gem BiscuitsOrange SwitsPritos RingHaw Flakes, at Pee Wee, bagamat ewan ko lang kung may sustansiyang nakukuha sa ibang pagkain tulad ng BazookaTarzanWhite Rabbit at Tootsie Roll. (Basahin ang link na ito para sa iba pang detalye. Naks!)

Kung tutuusin, marami pang kulang sa link na ‘yan ng mga paboritong pagkain noon ng mga bata. Kung ako ang tatanungin, narito ang ilan pa sa mga pagkaing masasabi kong naging parte ng aking kamusmusan:


MikMik


Sino nga bang bata ang hindi nakakaalam sa pagkaing ito? Dahil siguro sa hilig nating magpapak ng gatas kaya nagkaroon ng MikMik. Isa itong sweetened powdered milk na nasa foil. May kasama itong straw na kulay berde. (Halos green lagi ang kulay ng straw nito. Siguro may pabrika silang gumagawa ng berdeng straw.) Ano ang silbi ng straw? Ito ang gagamitin mo sa paghigop ng MikMik kapag itinimpla na. ‘De, biro lang. Hindi tinitimpla ang MikMik. Kung kinain mo ang powdered milk na ito nang walang straw, para ka lang nagpapak ng isang kutsara ng Nido na may halong asukal. Kaya naman hindi kumpleto ang “MikMik experience”mo kung walang straw. Pero s’yempre, dapat ay lagi ka ring handa sa anumang pagsubok sa pag-hitit ng gatas na ito dahil may pagkakataong mauubo ka kung sobrang gigil sa higop. Minsan pa nga pumapasok pa sa ilong ‘yung gatas!

Pero kung ikaw ‘yung tipo ng batang kinasusuklaman ang gatas, merong mabibiling chocolate flavored MikMik sa suking tindahan. Hindi ako sigurado pero parang lasang Sustagen ‘yun. Nakakasuya talaga! Kaya mas naging popular ang original flavored na MikMik.

Kapag kumakain kami ng MikMik ng mga kalaro ko noon, minsan ay ginagawa namin itong yosi. Naglalagay kami ng small amount sa bandang dulo ng straw sabay ibubuga na parang usok ng yosi, sabay banat ng “Pareee… Kamusta na?”, siga-sigaan habang naka-akbay sa balikat ng mabantot na kalaro!

Naglalaro noon ang presyo ng isang piraso ng MikMik sa singkwenta sentimos hanggang dalawang piso. Matagal na akong hindi nakakabili nito kaya’t hindi ko na alam kung magkano na ngayon ‘to.


Marie Biscuits

Sigurado akong meron sa inyong nakakaalam ng bilog na biscuit na ‘to. Marie Biscuits. Isang biscuit, literally. Walang palaman, walang kaartehan. Sa murang halaga ay may instant meal na ang mga bata noon, bagamat hindi mo iisiping naging childhood favortie ang Marie Biscuits dahil wala itong palaman. Kumbaga sa panahon ngayon, Sky Flakes noon ang Marie. May imported na Marie, pero nakagawa rin noon ng Marie ang Rebisco.

Aaminin ko, hindi ko gaanong paborito ang Marie noon, pero isa ito sa mga pagkaing hindi ko malilimutan. Meron kasi akong kaklase noong elementary na magmula grade one ay laging ito ang baon tuwing recess. Hindi ko babanggitin ang kanyang pangalan, sa halip ay tatawagin natin s’yang “Damulag”, dahil malaking bulas ang taong ‘yun, parang smaller version ni Jimmy Santos. Walang mintis ‘yun, araw-araw laging Marie ang baon! At noong mga unang araw namin bilang grade six, habang isa-isa kaming nagpapakilala sa harapan ng klase gamit ang“name/age/location/tell-me-something-about-yourself/signature” na pattern, nang oras na ni “Damulag” para magpakilala, nagwika s’ya: “I’m Damulag, <age> years old, from <location>, may hobby is… (nag-iisip pa ng hobby)”. Ewan ko kung ano ang pumasok sa utak ko pero bigla kong nasabing “My hobby is eating Marie”. Narinig ng mga kaklase ko ‘yun at nagtawanan sila. Ang sama ko daw, alaskador daw ako. Pumalakpak naman ang tenga ko dahil bihira lang akong humirit at mang-alaska sa klase, at natuwa naman ako dahil kahit paano ay bumenta sa kanila ‘yung hirit ko. Ewan ko lang kung narinig ni Damulag ‘yung sinabi ko. Malamang hindi.

Hanggang ngayon ay natatawa pa rin ako kapag naaalala ko si Damulag. Ang mas nakakatawa pa, laging isang piraso lang ng Marie ang baon n’ya, Marie Singles! Iispin mo talagang nagdi-dyeta s’ya. Tapos pagkaliit-liit pa ng baunan n’ya kaya’t tampulan s’ya lagi ng tukso sa klase. Ang laki-laking tao tapos ang baon, isang maliit na Marie na nasa maliit na baunan? Laughtrip talaga!
Ri-Chee

Kapag sinabing pagkaing parte ng pagkabata, hindi mawawala sa listahan ang chichirya. At bilang bata, naging paborito kong chichirya ang Ri-Chee. Isang milk flavor na chichirya ang Ri-Chee na gawa ng Nutri Snack, ang kompanyang gumawa rin ng ilang masasarap na chichiryang tulad ng Nutri-Star (barbeque flavored snack na korteng bituin) at Moby (chocolate flavored snack). Noong bata pa ako, bihira lang ang chichiryang gatas ang flavor kaya naman numero uno ito sa lagi kong binibili sa tindahan na malapit sa amin.

Pero masasabi kong pinaka-adik sa Ri-Chee ay ‘yung kapatid ko. Nagbabaon pa kasi s’ya noon nito sa klase, ‘di tulad ko na ang baon ay laging walang kamatayang Chicken Nuggets at Jack ‘N Jill Chocolate Pretzels na may cut-out toys sa likod ng kahon!

Isa rin ang Ri-Chee sa mga naunang pinagkalooban ng Department Of Health ngSangkap Pinoy Seal. Ibig sabihin, garantisadong may bitaminang makukuha sa chichiryang ito. Kaya hindi basta-basta ang Ri-Chee, masustansiya ‘to!

Mighty Mouse
Sa palagay ko’y may ilan sa inyong pamilyar sa cartoon character na si Mighty Mouse na may pamosong tagline na “Here I come to save the daaay!”. Pero meron bang nakakaalam o nakakaalala sa inyo ng Mighty Mouse Candies? Isa itong maliliit na piraso ng candy na may iba’t ibang flavor at nakalagay sa makukulay na foil. Alam n’yo ‘yung Ovaltinees? Paliitin mo lang at medyo palambutin mo ng kaunti, ganoon ang itsura ng Mighty Mouse Candies na ‘to. Para rin itong sinlaki ngFlinstone Vitamins. Kadalasang flavor nito ay chocolate, milk, strawberry, at ang paborito kong cola flavor. Bukod pa rito, nakakaaliw rin ang mga hugis ng candies nito. May hugis ice cream na nasa apa, bilug-bilog, mukha ni Mighty Mouse, bulaklak, at iba pa. Isa ito sa pinakapaborito kong candy noon. Nagkaroon din ng ganitong klaseng candy ang iba pang cartoon character na sina Mickey Mouse atDonald Duck pero mas nakilala si Mighty Mouse. Iba na ang orig, ika nga.

Kung tutuusin, parang ganito ‘yung nabibiling candy na may kasamang teks noon,Mr. Fruit ang pangalan. Pero napakalaki ng pagkakaiba nila sa lasa. Lasang gamot ang Mr. Fruit at matigas pa, ‘di tulad ng Mighty Mouse Candies na bukod sa masarap na, may iba’t iba pang flavor at kayang kaya pang nguyain.

Wala nga pala akong nahanap na litrato ng Mighty Mouse Candies kaya pagtiyagaan n’yo na lang ang larawang ‘yan ng cute na cute na si Mighty Mouse.

Alam kong napakarami pang pagkain na wala sa mga nabanggit na listahan. Sa ngayon, ilan lang sila sa mga pumasok sa isip ko. Susubukan kong i-update ang mga ito kapag meron na ulit akong naisip, o kaya naman pagkatapos kong humitit ngMikMik at ngumuya ng Mighty Mouse Candy sa aking panaginip!

Saturday, August 13, 2011

Gumamit ba kayo noon ng mala-anghel sa bangong Angel’s Breath?

Bago lumabas ng bahay, magbabad sa nakakapasong sikat ng araw sa buong maghapon at makipaglaro sa kanyang mga kumpareng manlalaro ang isang bata, katakut-takot na hygiene preparations ang ginagawa ng kanilang nanay para mapanatiling malinis at mabango si anak. Unang una na d’yan ang pagpapaligo sa bata. Isama mo pa ang pagbibihis ng malinis na damit at shorts, at karaniwan noong 90s eh sando pa na fit ang para sa mga batang lalake. S’yempre kailangan din ang pagsusuklay ng buhok ng mga bata para kahit ilang beses itong mangudngod sa kalsada eh at least plantsado pa rin ang buhok nito pag-uwi. At para manatiling mabango at fresh ang mga bata, pinapaliguan sila ni nanay ng pulbos hanggang sa magmukha silang espasol sa dami ng nakasingit na pulbos sa kanilang leeg, braso, batok, at kili-kili, na kinalaunan ay magiging libag din naman. At kumbaga sa isang nilalakong pagkain, kailangan ay merong katakam-takam at kahali-halinang amoy ang espasol. Kaya naman hindi kumpleto ang hygiene preparation kung walang Angel’s Breath na iwiwisik sa mga bata bago maglaro.

Amoy anghit ka ba? Mag-Angel's Breath na!
Nauso ang cologne na nakilala sa pangalang Angel’s Breath noong dekada nobenta. Ibang klase ang taglay na amoy nito. Hindi s’ya masakit sa ilong. Bagay na bagay talaga sa mga nagdadalaga at nagbibinata, pero mas nababagay para sa mga sanggol at mga bata. Karaniwang nasa isang babasaging container ito na gaya ng nasa larawan, may maliit at malaki. Alam kong natatandaan n’yo pa ang napakabangong amoy ng cologne na ito. Kumbaga sa isang kanta eh nakaka-LSS ang amoy nito, ‘di ba? At alam ko rin na gumamit ka nito noon para mag-amoy tao ka kahit na tinutukso ka ng mga kalaro mo na “bakulaw,” “unggoy,” “kambing,” at iba pang mababahong tukso na maisipan ng mga kalaro mo.

Kung nag-artista lang ang pinsan ko dati, masasabi kong Angel’s Breath ang official sponsor n’ya pagdating sa cologne. Ito kasi ang nilalagay ng nanay n’ya (tita ko) sa kanya. Minsan nga naaamoy ko pa rin ang Angel’s Breath kahit hindi pa s’ya naliligo. At matapos naman paliguan gamit ang Angel’s Breath Soap (oo, merong sabon ang Angel’s Breath, kahalintulad din ng amoy ng cologne nito), nilalagyan s’ya ulit ng Angel’s Breath Cologne at minsan ay meron pang Angel’s Breath Powder (meron ding pulbos nito at tama ang hula mo, amoy Angel’s Breath Cologne din) para magpatuloy ang halimuyak ni pinsan kahit hindi naman s’ya lumalabas ng bahay nila dati. Hanep, ewan ko na lang kung may nabahuan pa kay pinsan noon. Malamang pati utot n’ya eh amoy Angel’s Breath.

Nakakagamit lang ako nitong Angel’s Breath kapag nasa bahay ako ng pinsan ko. Wala kasi akong sariling ganito at kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng cologne na ‘to. Hindi dahil sa walang pambili o mahal ang ganitong cologne (sa totoo lang eh hindi ko alam ang presyo nito). Hindi ko lang talaga nakasanayang magpabili nito o kahit na anong cologne. Kung sabagay, hindi naman kasi importante sa mga bata noon lalo na sa mga batang lalake kung ano ang amoy mo, ang mahalaga eh makapaglaro ka sa labas. Liban na lang kung madalas kang tuksuhin na “mabaho” ng mga kalaro mo kahit sa totoo lang eh mas mabantot sila kesa sa iyo at mas kinakailangan nilang paliguan ng sandamakmak na Angel’s Breath!

Gusto ko sanang hanapin sa Google  ang history at humble beginnings ek-ek ng cologne na ito subalit puro forums ang bumubungad kapag tina-type ko ang “angel’s breath cologne”. O sige, kasama na rin ‘yung tinatamad akong mag-research mabuti. Pero dahil sa paglalakbay ko sa internet, napadpad ako sa isang forum at nabasa ko dito na noong 90s eh sosyal ka pala kapag ang gamit mong cologne o pabango ay Angel’s Breath o kaya Nenuco. Okay, hindi ako pamilyar sa Nenuco na ‘yon, malamang eh amoy menudo ang cologne na ‘yon. Nenuco. Tunog-menudo kasi (pilit na pilit ang pagpapatawa, nagpaliwanag pa ang loko). Naisip ko tuloy, siguro napakamahal ng presyo ng Angel’s Breath dati kaya tinawag itong sosyal na pabango.

Ayon pa sa forum na ‘yon, meron din palang Angel’s Breath For Men. Ewan ko lang kung totoo o kunya-kunyarian lang ‘yon, o baka naudlot na plano lang ‘yon ng kompanyang gumagawa ng Angel’s Breath. Pero para sa akin, medyo hindi yata maganda ang dating ng pangalan nun. Panget pakinggan ang “Angel’s Breath For Men”. Karaniwan kasing matapang, ma-elemento at may pagka-solido ang pangalan ng mga cologne na para sa mga lalake. Sana tinawag na lang nila itong “Devil’s Halitosis”. O kaya naman eh “Demon’s Fragrance”. O ‘di ba astig? Pangalan pa lang, tunay na lalake na! Tapos ‘yung kahon eh kulay itim, imbis na kulay asul. Para kasing bading ‘yung “Angel’s Breath For Men”. Hanep, umandar na naman ang imahinasyon ko.

Hindi ko lang alam kung meron pang nabibili nito sa mga piling tindahan. Matagal na ring hindi dumadampi sa mga butas ng ilong ko ang halimuyak nito. Kung tutuusin, siguro eh noon pang late 90s ang huli kong amoy sa cologne na ‘to, ito ‘yung noong mga panahon na nakikitira pa lang ang tita ko sa bahay ng kanyang nanay (na lola ko). At inaamin kong nami-miss ko ang amoy ng Angel’s Breath. Simple ang taglay na halimuyak na ibinibigay sa sinumang magwisik nito sa kanyang katawan, at malamang ay naitatago rin ang mala-demonyong bantot na amoy ng bawat makagamit ng mala-anghel sa bangong cologne na ‘to!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...