Sunday, March 27, 2011

Pakita mo mukha mo: Isang larong nakakatuwa

Sa totoo lang, inimbento ko ngayon lang ang pangalan ng larong ito. At actually, hindi naman talaga siya isang laro kundi isang nakakaaliw na activity gamit ang papel, panulat, at mga kabarkadang saksakan ng kekengkoy. Isa ito sa mga paborito naming pampalipas oras ng mga kaklase ko noong grade two o grade three kami.

Paano nga ba ito ginagawa? Para magsimula, kailangang gumuhit ng limang (o kahit ilan dahil mas marami ay mas masaya) iba’t ibang hugis o anyo ng mukha, buhok, mata, tenga, ilong at bibig. Ihilera ang mga ito na katulad ng nasa larawan (makikita ang limang mukha sa unang row, limang buhok sa pangalawa, limang mata sa pangatlo, limang tenga sa pang-apat, limang ilong sa pang-lima, at limang bibig sa pang-anim na row). Sa aktibidad na ito ay may isang taya at may isang taga-guhit. Ang objective nito ay ang mabigyan ng kanais-nais na pagmumukha ang taya, na nakatalikod upang hindi makita ang bago n’yang mukha na iguguhit ng taga-guhit (para suspense daw). Kapag sinabi ng taya ang “start” ay igagalaw ng taga-guhit ang panulat n’ya mula sa unang column hanggang sa ikalimang column nang mabilis at paulit-ulit at kapag sinabi nang “stop” ay ititigil na sa paggalaw ang panulat. Kung saang parte ng mukha matapat ang panulat, ‘yun ang parte ng mukha na iguguhit. (Una muna ‘yung mukha, then ‘yung buhok, then you know the drill.) Makikita sa ilalim na parte ng larawan ang isang halimbawa ng finished product nito (mukha #1, buhok #4, mata #2, tenga #4, bibig #2). Pogi ko ‘no? K.

Walang panalo o talo sa aktibidad na ito. Lahat kasi ay mabibigyan ng kasiyahan dahil sa nakakatuwang resulta ng mga mukha. Kaya mas kengkoy ang mga parteng iginuhit, mas nakakatuwa. Sabi nga ni Spongebob: “Use your imaginaaation!”. Pati ang magiting naming guro noon ay nakisali rin sa aktibidad na ito.

Wednesday, March 16, 2011

“Cut-out and paste in your notebook”: Isang popular na takdang aralin

Normal na sa isang klase sa eskwelahan ang pagbibigay ng mahal nating guro ng ilang assignments, homework, kasunduan o mga takdang aralin. May homeworks na nangangailangan ng ibayong pananaliksik (tulad ng kung sino ang nakadiskubre sa Pilipinas) at may homeworks din na sabi nga ng ilan ay “maning-mani” lang na para bang inutusan lang kayo ng guro na mag-practice sa tamang pagsusulat (tulad ng pagsusulat ng buod ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo). At syempre, may homework na nagiging schoolwork. Ito ‘yung pinaka-madalas sa lahat, lalo na sa high school at college students. Cramming to the extreme, ika nga.

Pero walang kinalaman ang college students sa post na ito kaya babalik tayo sa pagiging preschool students. At kapag sinabing preschool students (o kaya grade one or two) ang madalas na pinapa-assignment sa kanila ay ‘yung tipong madadali lang at hindi na kailangan pa ng matinding pagsusunog ng kilay. Isa na sa halimbawa ay ang “cut-out and paste in your notebook” na tinatawag. Ewan ko lang kung naranasan n’yo ito. Noong preschool kasi ako, ganito lagi ‘yung pinapa-assignment sa amin. Ito ‘yung homework kung saan papahanapin ng butihing guro ang mga estudyante ng mga larawan na ayon sa hinihingi ng paksa.

Malabo pa rin? Ilan sa mga halimbawa ng takdang araling ito na isinusulat ng guro sa pisara ay narito:

  • Cut out five things that starts with the letter <*given letter*> and paste it in your notebook.
  • Cut out five living and five non living things and paste it in your notebook.
  • Cut out five “go” foods, five “grow” foods and five “glow” foods and paste it in your notebooks.
  • Gumupit ng limang larawan ng anyong lupa at limang larawan ng anyong tubig at idikit sa inyong mga pwet (‘de biro lang, sa kwaderno, saan pa nga ba). 
Ewan ko lang kung meron pang nagpapa-assignment ng ganito sa preschool students. Kung meron man, importante talagang tinatago ang inyong mga babasahin sa bahay tulad ng magazines (FHM, Uno Magazine), newspapers (Tiktik, X-Files, Bosero), at kung anu-ano pang libro. Dito kasi madalas makakakita ng mga bagay na hinihingi ng demanding na guro. At resulta ng notebooks? Sobrang kapal na dahil puro nakadikit na “cut-outs” ang nasa bawat pahina nito.

Naaalala ko pa noong grade one ako, kapag wala kaming mahanap ng tatay ko sa magazines ng larawang hinihingi sa assignment, gumuguhit na lang s’ya sa bond paper gamit ang itim na panulat atsaka ko gugupitin at ididikit sa aking notebook. Hindi naman nahahalata ng guro at kung makahalata man, malamang na binabalewala na rin dahil baka “daw” magsumbong ang bata. Kaso itinigil din namin kaagad ang gawaing ‘yun dahil pakiramdam namin ay naglolokohan lang kami. Kaya ang ginawa namin, bumili kami ng pambatang libro na mumurahin lang para may source ako ng pwedeng gupitin sa tuwing may ganitong homework sa eskwela.

Pero kung iisipin, hindi rin maganda ‘to. Una, bata pa lang ay marunong ka nang sumira ng babasahin. Pangalawa, bakit nga ba hindi na lang ipaguhit sa mga bata ang assignment na ‘to? Mas madali na, hindi pa nangangailangan ng gunting at pandikit, simpleng lapis lang, oks na.

At kung merong “cut-out and paste” na takdang aralin, ngayon ay mas uso na ang “copy paste” homeworks. At imbis na larawan, isang maikli o mahabang article o paragraph ang kina-copy paste at syempre, hindi na ito kinakailangan ng manu-manong gupitan dahil ang computer na ang bahalang gumupit ng article na ‘yun, mahaba man o maikli. Pwede mo ring i-edit ang article na ‘yun, ‘di tulad ng cut-out na larawan na hindi mo na pwedeng i-edit ang iyong nagupit.

Pero sa totoo lang, mas maswerte ang mga preschool students ngayon dahil may internet at printer na, na pwedeng gawing source ng homeworks. At hindi na kinakailangan ng matinding gupitan at ibayong dikitan sa kumakapal nang notebook. Isang “copy paste” lang, solve na ang assignment mo! (Huwag lang kalilimutang i-edit nang hindi makahalata ang guro.)

Takdang Aralin:
  1. Isulat ang buod ng kwentong ito.
  2. Gumupit ng sampung larawan na may kinalaman sa tamang paggupit ng magazines.
  3. Sa inyong opinyon, ano ang mas makabuluhang babasahin: FHM o Uno Magazine? Tiktik o Tumbok? Isulat sa pamamagitan ng paggupit ng mga letra at idikit sa isang buong manila paper.
  4. Ano ang mabisang gamot sa sakit ng ulo at sipon? Idikit ang resulta sa inyong talampakan.
  5. Napansin n’yo bang trying hard akong magpatawa at gaya-gaya ako? Kung napansin n’yo, kalimutan n’yo na lang na binasa ninyo ang post na ito.

Sunday, March 6, 2011

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling yelo sa tindahan ngunit mas payat pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Pero dahil iisa lang ang flavor, hindi ito natuloy. Milo flavor pa naman ‘yung ginawa ni inay kaya inubos na lang naming mag-ina (wala pa si utol sa mundo noon). Noong bata pa ako, naglalaro sa singkwenta sentimos hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi ng utol ko noon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pinapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at milk. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kumpare ko noong elementary. Naalala ko pa nga noong grade six ako kung saan nagsisimula nang lumabo ang mga mata ko. Bigla na lang akong nahilo sa flag ceremony kaya pinauwi na lang ako ng adviser namin para makapag-pahinga, pero kumain muna daw ako sa canteen nang magkalaman ang aking sikmura. Bumili pa ako ng ice candy noon kahit hilong talelong na ang loko kaya ang resulta, isinuka ko lang palabas ang kinain ko.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng lola ko. Sa malaking lyanera n’ya inilalagay ang tinimplang Milo. (Ang lyanera ay ‘yung parang steel tray na pinaglalagyan ng loaf bread. Narito ang itsura ng lyanera pero mas manipis pa dito ang lyanera ni lola at yelo ang karaniwang inilalagay n’ya sa lyanera na ito.) Putik, araw-araw ay Pasko sa bahay ng lola ko kapag gumagawa s’ya ng ice candy sa lyanera! Magsasawa ka talaga sa Milo flavored ice candy nun. Minsan ay nilagyan pa n’ya ng chocolate springkles ang ice candy sa lyanera pero mas masarap pa rin ‘yung plain ice candy.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore eh gayahin natin ‘yung munting suggestion nina Mang Dagul sa Pugad Baboy (Mababasa ito sa Pugad Baboy 3. Kung hindi ka nagbabasa ng Pugad Baboy, natural hindi mo maaalala ‘to.) na dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik).

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas (uhm… Bagamat malamig ang panahon ngayon), laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa tray ng ice cubes dahil wala kaming lyanera. Trip trip lang.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...